Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w25 Oktubre p. 2-5
  • 1925—100 Taon Na ang Nakalipas

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • 1925—100 Taon Na ang Nakalipas
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • HINDI NANGYARI ANG INAASAHAN NILA
  • NAGDAGDAG NG MGA ISTASYON NG RADYO
  • ISANG NAPAKAHALAGANG KATOTOHANAN
  • PAGPAPATOTOO TUNGKOL KAY JEHOVA
  • PAGBABALIK SA MGA INTERESADO
  • PAGTINGIN SA HINAHARAP
  • 1924​—100 Taon Na ang Nakalipas
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
  • Ianunsiyo ang Hari at ang Kaharian! (1919-1941)
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Pangangaral sa Madla at sa Bahay-bahay
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • 1922—100 Taon Na ang Nakalipas
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2022
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
w25 Oktubre p. 2-5
Isang malaking grupo ng mga kapatid na nagpapa-picture sa kombensiyon noong 1925 sa Indianapolis, Indiana.

Kombensiyon sa Indianapolis, Indiana, 1925

1925—100 Taon Na ang Nakalipas

SINABI sa The Watch Tower, isyu ng Enero 1, 1925: “Marami tayong inaasahang mahahalagang bagay na mangyayari ngayong taon. [Ngunit] hindi tayo dapat labis na mag-alala sa mga posibleng mangyari, dahil baka mawala ang ating kagalakan at hindi na natin magawa ang gawain ng Panginoon.” Ano ba ang inaasahan ng mga Estudyante ng Bibliya na mangyayari noong 1925? At paano sila nakapanatiling masigasig kahit hindi iyon nangyari?

HINDI NANGYARI ANG INAASAHAN NILA

Noong 1925, naniniwala ang maraming Estudyante ng Bibliya na magiging paraiso na ang buong lupa. Bakit? Ito ang paliwanag ni Brother Albert Schroeder, na naging miyembro ng Lupong Tagapamahala: “Iniisip ng marami noon na aakyat na sa langit ang mga natitirang pinahirang tagasunod ni Kristo para maging mga hari sa Kaharian. Iniisip din ng marami na bubuhayin nang muli ang mga tapat na lalaki noon, gaya nina Abraham, David, at iba pa, upang mamahala dito sa lupa bilang mga prinsipe ng kaharian ng Diyos.” Nang hindi iyon mangyari, may mga kapatid na nadismaya.—Kaw. 13:12.

Pero nanatiling masigasig sa gawaing pangangaral ang karamihan sa mga Estudyante ng Bibliya. Nakita nila na ang pagpapatotoo tungkol kay Jehova ang pinakamahalagang gawain nila. Halimbawa, tingnan natin kung paano nila ginamit ang radyo para maabot ang mas marami pang tao.

NAGDAGDAG NG MGA ISTASYON NG RADYO

Noong 1924, marami ang nakikinig sa istasyon natin ng radyo na WBBR. Kaya noong 1925, nagtayo ang mga Estudyante ng Bibliya ng isa pang istasyon ng radyo malapit sa Chicago, Illinois. Tinawag itong WORD. Ikinuwento ni Ralph Leffler, isang radio engineer na tumulong sa pagtatayo ng istasyong iyon, na maraming nakikinig sa WORD lalo na kapag taglamig. Halimbawa, may isang pamilya sa Pilot Station, Alaska, na mahigit 5,000 kilometro ang layo sa istasyon ng WORD, na nakinig sa isa sa mga unang broadcast nito. Nagpadala sila ng liham sa mga nasa istasyon ng radyo para pasalamatan sila sa napakagandang espirituwal na programang iyon.

Kaliwa: Mga transmission tower ng WORD sa Batavia, Illinois

Kanan: Si Ralph Leffler habang nagtatrabaho sa istasyon ng radyo

Ito pa ang sinabi ng The Watch Tower, isyu ng Disyembre 1, 1925, tungkol sa lawak na naabot ng istasyong WORD: “Ang WORD ang isa sa mga istasyon ng radyo sa United States na may pinakamalakas na signal. Malinaw ang signal ng istasyong ito sa East at West Coast ng United States, pati na sa Cuba at sa pinakahilagang bahagi ng Alaska. Maraming tao na hindi pa nakaririnig sa katotohanan ang naging interesado nang mapakinggan nila ang mga broadcast ng istasyong ito.”

Si George Naish

Noong mga panahon ding iyon, gustong gamitin ng mga Estudyante ng Bibliya ang radyo para ipaabot ang mabuting balita sa Canada. Noong 1924, itinayo ang istasyong CHUC sa Saskatoon, Saskatchewan. Ito ang isa sa mga pinakaunang istasyon ng radyo sa Canada na nagbo-broadcast ng mga paksang tungkol sa relihiyon. Pero noong 1925, kinailangang ilipat ang istasyong ito sa mas malawak na lugar. Kaya binili at ni-renovate ng Watch Tower Society ang Regent Building, isang lumang teatro sa Saskatoon, para doon ilipat ang istasyong CHUC.

Dahil sa istasyong ito ng radyo, narinig at nalaman ng maraming tao sa mga liblib na lugar sa Saskatchewan ang mabuting balita. Halimbawa, sumulat si Mrs. Graham, na mula sa isang liblib na nayon, para humingi ng mga literatura sa Bibliya. Ginawa niya ito pagkatapos niyang marinig ang isang broadcast mula sa CHUC. Sinabi ni Brother George Naish na gustong-gusto talaga ni Mrs. Graham na malaman pa ang katotohanan, kaya pinadalhan nila siya ng kumpletong set ng Studies in the Scriptures. Di-nagtagal, sinasabi na rin ni Mrs. Graham ang mensahe ng Kaharian sa mga nakatira sa mas malayong lugar.

ISANG NAPAKAHALAGANG KATOTOHANAN

Sa The Watch Tower, isyu ng Marso 1, 1925, may isang artikulo na may paksang “Birth of the Nation.” Napakahalaga ng artikulong iyon. Bakit? Alam na noon ng mga Estudyante ng Bibliya na may organisasyon si Satanas na binubuo ng mga demonyo, huwad na relihiyon, gobyerno, at sistema ng komersiyo. Pero sa artikulong iyon, sinabi ng “tapat at matalinong alipin” na may organisasyon din si Jehova at na kalaban iyon ng organisasyon ni Satanas. (Mat. 24:45) Ipinaliwanag din ng tapat at matalinong alipin na naitatag na ang Kaharian ng Diyos noong 1914. Sinabi rin sa artikulo na nang taon ding iyon, inihagis si Satanas at ang mga demonyo dito sa lupa bilang resulta ng “digmaan sa langit.”—Apoc. 12:7-9.

Hindi matanggap ng ilan noon ang bagong unawang ito. Inaasahan na iyan ng organisasyon, kaya sinabi pa sa artikulong iyon: “Para sa mga mambabasa ng Watch Tower na hindi matanggap ang katotohanang ito, iminumungkahi naming maghintay at magtiwala sila sa Panginoon at patuloy pa ring maglingkod nang tapat sa kaniya.”

Pero ikinuwento ni Tom Eyre, isang colporteur (tinatawag ngayong payunir) mula sa Britain, kung ano naman ang naramdaman ng karamihan sa mga Estudyante ng Bibliya nang ilabas ang artikulong iyon. Sinabi niya: “Masayang-masaya ang mga kapatid nang mabasa nila ang paliwanag na iyon sa Apocalipsis 12. Nang malaman naming naitatag na sa langit ang Kaharian, gustong-gusto naming sabihin ang mabuting balitang iyon sa iba. Naging mas masigasig kami sa pangangaral. Nakita rin namin na marami pang gagawing kamangha-manghang bagay si Jehova para sa mga lingkod niya.”

PAGPAPATOTOO TUNGKOL KAY JEHOVA

Pamilyar ang mga Saksi ni Jehova ngayon sa Isaias 43:10: “‘Kayo ang mga saksi ko,’ ang sabi ni Jehova, ‘oo, ang lingkod ko na aking pinili.’” Noon, halos hindi nababanggit ang tekstong iyan sa mga publikasyon natin. Pero nagbago iyan noong 1925. Noong taóng iyon, naging paksa ang Isaias 43:10 at 12 sa 11 isyu ng The Watch Tower.

Noong Agosto 1925, nagkaroon ang mga Estudyante ng Bibliya ng kombensiyon sa Indianapolis, Indiana. May mensahe si Joseph F. Rutherford para sa mga dadalo, at nakalagay iyon sa programa ng kombensiyon: “Tayo ay dumalo sa kombensiyong ito para mapalakas ng Panginoon at magkaroon ng mas matinding pagnanais na makibahagi sa gawaing pangangaral.” Sa walong-araw na kombensiyong iyon, naging pokus ang pagpapasigla sa mga dumalo na mangaral tungkol kay Jehova sa bawat pagkakataon.

Noong Sabado, Agosto 29, nagbigay si Brother Rutherford ng pahayag na may paksang “A Call to Action.” Idiniin niya sa pahayag na iyon kung gaano kahalaga ang gawaing pangangaral: “Sinabi ni Jehova sa kaniyang bayan . . . : ‘Kayo ang aking mga saksi . . . na ako ang Diyos.’ Pagkatapos, malinaw ang utos niya sa kanila: ‘Kayo’y magtaas ng tanda para sa bayan.’ Wala nang iba pa sa lupa ang makapagtataas ng tanda na ito, kundi ang [kaniyang bayan]. Sila lamang ang ginagabayan ng kaniyang espiritu at sila lamang ang kaniyang mga saksi.”—Isa. 43:12; 62:10.

Ang tract na naglalaman ng resolusyong “Message of Hope.”

Ang tract na Message of Hope

Pagkatapos ng pahayag niyang iyon, binasa ni Brother Rutherford ang resolusyong “Message of Hope.” Sumang-ayon ang mga dumalo sa sinasabi ng dokumentong ito na ang Kaharian ng Diyos lang ang makakapagbigay ng “mga pagpapala ng kapayapaan, kasaganaan, kalusugan, buhay, kalayaan, at walang-hanggang kaligayahan.” Isinalin ang mensaheng ito sa iba’t ibang wika at ginawang tract para magamit sa ministeryo. Mga 40 milyong kopya ang naipamahagi.

Ilang taon pa ang lumipas bago gamitin ng mga Estudyante ng Bibliya ang pangalang Saksi ni Jehova. Pero unti-unti na nilang nakikita noon kung gaano kahalaga ang pananagutan nilang magpatotoo tungkol kay Jehova bilang mga saksi niya.

PAGBABALIK SA MGA INTERESADO

Dumadami na ang mga Estudyante ng Bibliya sa buong mundo, at pinapasigla silang balikan ang mga taong naging interesado sa mabuting balita. Pagkatapos ng kampanya para sa pamamahagi ng tract na Message of Hope, inilabas ng Bulletina ang tagubiling ito: “Isaayos ninyo na mabalikan ang mga tahanan kung saan nakapag-iwan kayo ng tract na Message of Hope.”

Sinabi sa Bulletin, isyu ng Enero 1925, ang karanasan ng isang Estudyante ng Bibliya mula sa Plano, Texas: “Manghang-mangha kami dahil nakikita namin na kadalasan nang mas mabunga ang mga teritoryong nababalik-balikan namin kaysa sa mga bagong teritoryo. May maliit na lugar sa aming teritoryo na limang beses naming nabalikan sa nakalipas na 10 taon. . . . Kamakailan lamang, nakabalik doon si Sister Hendrix at ang aking nanay. At nakapamahagi sila ng mas maraming aklat kaysa sa mga unang pagpunta nila.”

Sinabi naman ng isang colporteur mula sa Panama: “Marami sa mga tumangging makinig noon ang nagbago sa ikalawa o ikatlong balik ko sa kanila. Nitong nakaraang taon, mas nagtuon ako ng pansin sa pagbabalik sa mga nakausap ko na noon, at marami akong naging magandang karanasan noong binalikan ko sila.”

PAGTINGIN SA HINAHARAP

Sa taunang sulat ni Brother Rutherford para sa lahat ng colporteur, sinabi niya ang mga nagawa nila noong 1925 at kung ano ang mga susunod nilang gagawin: “Nitong nakaraang taon, naging pribilehiyo ninyong aliwin ang mga nalulungkot. Tiyak na naging masaya ang inyong mga puso dahil sa gawaing ito . . . Sa taóng ito na darating, magkakaroon kayo ng mga pagkakataong maging mga saksi ng Diyos at ng kaniyang kaharian, at magtaas ng kaniyang tanda para sa mga tao. . . . Patuloy nating itaas nang sama-sama ang ating mga tinig at umawit ng papuri sa ating Diyos at ating Hari.”

Sa pagtatapos ng taóng 1925, naghahanda na ang mga kapatid para palakihin ang mga pasilidad sa Brooklyn. Magsisimula na sa 1926 ang pinakamalaking proyekto ng pagtatayo na gagawin ng organisasyon.

Isang construction site kung saan sinisimulan na ng mga kapatid ang pagtatayo ng isang building.

Pagtatayo sa Adams Street, Brooklyn, New York, 1926

a Ngayon ay Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share