Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • yb02 p. 3-5
  • Isang Liham Mula sa Lupong Tagapamahala

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Liham Mula sa Lupong Tagapamahala
  • 2002 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova
  • Kaparehong Materyal
  • Manatiling Malapít sa Organisasyon ni Jehova
    Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova
  • “Hayaang Ganapin ng Pagbabata ang Gawa Nito”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2016
  • ‘Maligaya ang mga Nakapagtitiis’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Panatilihin ang Kagalakan Kahit May mga Pagsubok
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2021
Iba Pa
2002 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova
yb02 p. 3-5

Isang Liham Mula sa Lupong Tagapamahala

HABANG sinisimulan natin ang mga unang taon ng ika-21 siglo, isang kasiyahan na sulatan kayo, ang “buong samahan ng mga kapatid” sa buong daigdig, at papurihan kayo sa inyong masikap na paggawa. (1 Ped. 2:17) Halos 2,000 taon na ang nakalilipas, nagtanong si Jesus: “Kapag dumating ang Anak ng tao, talaga kayang masusumpungan niya sa lupa ang pananampalataya?” (Luc. 18:8) Sinasagot ng inyong masigasig na gawain sa nakalipas na taon ng paglilingkod ang tanong ni Jesus sa pamamagitan ng mariing oo! Ang ilan sa inyo ay nilibak at tinuya dahil sa inyong pananampalataya. Sa maraming lugar, kayo ay nagbata sa kabila ng mga digmaan, kasakunaan, karamdaman, o gutom. (Luc. 21:10, 11) Dahil sa inyong sigasig sa matuwid na mga gawa, ‘masusumpungan [pa rin ni Jesus] sa lupa ang pananampalataya.’ Tiyak na may pagsasaya sa langit dahil dito!

Batid natin na hindi madali ang magbata. Isaalang-alang ang mga pagsubok sa ating mga kapatid sa isang bansa sa kanlurang Asia. Halos pangkaraniwan na ang karahasan laban sa mga Saksi ni Jehova sa lupaing iyon. Kamakailan, ginulo ng pulisya ang isang mapayapang asamblea ng mga 700. Dahil sa mga barikada sa daan, 1,300 pa ang napigilang dumalo. Isang malaking grupo ng mga mang-uumog na nakamaskara, na ang ilan ay mga pulis, ang sumugod sa dako ng asamblea, binugbog ang marami sa mga delegado, at sinunog ang pasilidad na gagamitin para sa asamblea. Sa ibang mga pagkakataon, buong-lupit na pinaghahampas ng mga relihiyosong ekstremista ang ating mga kapatid sa pamamagitan ng mga batutang tadtad ng mga pako.

Nakapangingilabot ang gayong mga pagsalakay ngunit hindi ito nakapagtataka. Si apostol Pablo ay kinasihang sumulat: “Lahat niyaong mga nagnanasang mabuhay na may makadiyos na debosyon may kaugnayan kay Kristo Jesus ay pag-uusigin din.” (2 Tim. 3:12) Noong unang siglo, ang mga Kristiyano ay nagbata ng berbal at pisikal na pag-uusig, at pinatay pa nga ang ilan. (Gawa 5:40; 12:2; 16:22-24; 19:9) Nangyari rin ito noong ika-20 siglo, at tiyak na magpapatuloy ito ngayong ika-21 siglo. Magkagayunman, sinasabi sa atin ni Jehova: “Anumang sandata na aanyuan laban sa iyo ay hindi magtatagumpay.” (Isa. 54:17) Tunay ngang kahanga-hangang katiyakan iyan! Sa katunayan, tayo ay napakahalaga kay Jehova anupat sinabi niya sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Zacarias: “Siya na humihipo sa inyo ay humihipo sa itim ng aking mata.” (Zac. 2:8) Walang pag-asang magtatamo ng pangwakas na tagumpay ang mga kalaban ng mga sumasamba kay Jehova. Mananaig ang dalisay na pagsamba!

Halimbawa, sa bansang nabanggit kanina, ang mga Saksi ni Jehova ay nagtamasa ng dalawang bagong pinakamataas na bilang ng mga mamamahayag noong 2001 taon ng paglilingkod. Oo, nagtitiyaga ang ating mga kapatid doon sa kabila ng paghihirap, gaya ng ginagawa nila saanman. Sa buong daigdig nitong nakalipas na taon ng paglilingkod, 5,066 bawat linggo ang nagpabautismo bilang sagisag ng kanilang pag-aalay kay Jehova. Ngayon, ang mga baguhang ito ay determinado, kasama nating lahat, na ‘tumayong ganap at may matibay na pananalig sa buong kalooban ng Diyos.’​—Col. 4:12.

Isaalang-alang din ang mga pangyayari kamakailan sa Gresya. Sa kabila ng maraming taon ng matinding pag-uusig mula sa Simbahang Griego Ortodokso, ang mga Saksi ni Jehova ay kinikilala na ngayon ng pamahalaan bilang isang “kilaláng relihiyon.” Ang dokumento na nagkakaloob ng pagkilalang ito ay nagpapahayag pa na ang mga gusali ng Bethel sa Gresya ay “isang sagrado at pinabanal na lugar, na inialay sa pagsamba sa Diyos.” Naliligayahan din kaming sabihin sa inyo na noong nakaraang taon ng paglilingkod, ang mga hukuman ay naglabas ng paborableng legal na mga desisyon na nakaaapekto sa ating pagsamba sa Alemanya, Bulgaria, Canada, Estados Unidos, Hapon, Romania, at Russia. Anong laking pasasalamat natin kay Jehova sa pagpapanatiling bukas sa pinto ng gawain sa mga lupaing ito!

Habang isinasaalang-alang natin ang mga paraan ng pag-alalay ni Jehova sa kaniyang bayan sa mga huling araw na ito, nakikita natin na siya ang maaaring maging pinakamatalik na Kaibigan natin kailanman. Nalulugod tayo sa ating kaugnayan sa kaniya, palibhasa’y nalalaman natin na tayo ay kaniyang iniibig, tinuturuan, at itinutuwid. Oo, patuloy nating mararanasan ang mga pagsubok sa ating pananampalataya. Ngunit aalalayan tayo ng di-matitinag na pananampalataya kay Jehova. Sumulat si Santiago: “Ituring ninyong buong kagalakan, mga kapatid ko, kapag napaharap kayo sa iba’t ibang pagsubok, yamang nalalaman ninyo na ang subok na katangiang ito ng inyong pananampalataya ay gumagawa ng pagbabata.” (Sant. 1:2, 3) Bukod dito, ang ating pagbabata ay nagtatanghal ng ating pag-ibig kay Jehova, at ito ay lubhang nagpapagalak sa atin! Asahan ninyo, mga minamahal na kapatid, na aalalayan ni Jehova ang bawat isa sa atin. Kung tayo ay mananatiling tapat, walang-alinlangang tutulungan niya tayo na makapasok sa bagong sanlibutan. Ibig niyang magtagumpay tayo.

Kaya naman, hinihimok namin kayong mga kapatid na lalaki at babae, mga bata at matatanda, na laging isaisip ang kamangha-manghang mga pagpapala na darating. Ang ating saloobin ay maging katulad nawa niyaong kay apostol Pablo, na sumulat: “Itinuturing ko na ang mga pagdurusa sa kasalukuyang kapanahunan ay walang anuman kung ihahambing sa kaluwalhatian na isisiwalat sa atin.” (Roma 8:18) Magtiwala kay Jehova kapag napapaharap sa anumang uri ng kagipitan. Magbata, at huwag kayong susuko. Hinding-hindi ninyo kailanman pagsisisihan ito. Tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos: “Kung tungkol sa matuwid, sa pamamagitan ng kaniyang katapatan ay mananatili siyang buháy.”​—Hab. 2:4.

Ang inyong mga kapatid,

Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share