Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • yb14 p. 26-35
  • Mga Legal na Usapin

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Legal na Usapin
  • 2014 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Legal na Usapin
    2015 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova
  • Tampok na mga Pangyayari Noong Nakaraang Taon
    2013 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova
  • Mga Legal na Usapin
    2016 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova
  • Tampok na mga Pangyayari Noong Nakaraang Taon
    2012 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova
Iba Pa
2014 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova
yb14 p. 26-35
Larawan sa pahina 27

TAMPOK NA MGA PANGYAYARI NOONG NAKARAANG TAON

Mga Legal na Usapin

Hinimok ni apostol Pablo ang mga Kristiyano: “Ingatan ninyo sa isipan yaong mga nasa gapos ng bilangguan na para bang naigapos kayong kasama nila.” (Heb. 13:3) Bilang mga lingkod ni Jehova, lagi nating inaalala ang ating tapat na mga kapatid at ipinapanalangin ang mga nasa awtoridad, o “lahat niyaong mga nasa mataas na katayuan; upang makapagpatuloy tayong mamuhay ng isang payapa at tahimik na buhay na may lubos na makadiyos na debosyon at pagkaseryoso.”​—1 Tim. 2:1, 2; Efe. 6:18.

Narito ang ilang legal na usapin na hinarap ng mga Saksi ni Jehova noong nakaraang taon:

Ang mga kapatid sa Russia ay “walang humpay sa pagtuturo at pagpapahayag ng mabuting balita” sa kabila ng patuloy na kampanya ng Simbahang Ruso Ortodokso at ilang opisyal ng gobyerno na pahintuin ang ating gawain. (Gawa 5:42) Ayaw tumigil ng mga awtoridad sa Russia sa pag-akusa sa ating mga publikasyon at mga kapatid salig sa isang malabong anti-extremism law na ginawa nila para sana labanan ang terorismo. Bilang resulta, mga 70 sa publikasyon natin ang idineklara ng mga korte sa Russia na naglalaman daw ng ekstremistang mga pananalita. Ang mga ito ay idinagdag ng mga opisyal ng gobyerno sa listahan ng mga literaturang ipinagbabawal sa kanilang bansa. Dahil diyan, hinahalughog ng ilang lokal na awtoridad ang mga Kingdom Hall at bahay ng mga kapatid para maghanap ng mga publikasyon. Hinuhuli ng mga pulis at kinukunan ng litrato at fingerprint ang maraming Saksi na nakikibahagi sa ministeryo. Madalas nilang tinatakot ang mga kapatid habang nasa presinto.

Noong Mayo 2013, ang 16 na kapatid sa lunsod ng Taganrog ay sinimulang litisin dahil sa pangangaral at sa pag-oorganisa, pagdalo, at pakikibahagi sa mga pulong Kristiyano. Mula nang bumagsak ang Unyong Sobyet, ngayon lang uli nakasuhan ang mga Saksi dahil sa kanilang pananampalataya. Iniimpluwensiyahan ng mga awtoridad sa iba pang lugar sa Russia ang mga korte para ideklarang “ekstremista” ang ating mga literatura at litisin ang mga kapatid sa salang pagkapoot sa ibang relihiyon.

Wala pa ring pagbabago sa kalagayan ng mga kapatid sa Eritrea. Nitong Hulyo 2013, may 52 nang nakabilanggo, kasama na ang walong brother na di-bababa sa 70 ang edad at anim na sister. Tatlong brother, sina Paulos Eyassu, Isaac Mogos, at Negede Teklemariam, ang nakabilanggo mula pa noong Setyembre 24, 1994, dahil sa pagtangging magsundalo.

Mahigit kalahati sa nakabilanggong mga kapatid ang nasa Meiter, isang kampong bilangguan sa disyerto sa hilaga ng kabisera na Asmara. Mula Oktubre 2011 hanggang Agosto 2012, pinarusahan ng mga awtoridad ang 25 sa ating mga kapatid sa pamamagitan ng pagbilanggo sa kanila sa isang kulungang yari sa metal at nakabaon ang kalahati sa lupa. Kapag mga buwan ng tag-init, pinalalabas ng mga bantay ang mga bilanggo kapag araw para hindi mamatay sa tindi ng init sa loob ng kulungan. Pero kulang sila sa pagkain at tubig, kaya apektado rin ang kalusugan nila. Nakalulungkot, dahil sa pagmamaltratong ito, namatay ang mga brother na sina Yohannes Haile (68 anyos) noong Agosto 2012 at Misghina Gebretinsae noong 2011.

Pagtanggi sa mga Serbisyong Sumusuporta sa Militar Dahil sa Budhi

Batay sa Isaias 2:4 at Juan 18:36.

ARMENIA

Noong Nobyembre 27, 2012, ang European Court of Human Rights (ECHR) ay naglabas ng paborableng desisyon sa kasong Khachatryan and Others v. Armenia. Kinasuhan ng gobyerno ang 17 Saksi dahil sa pagtangging gumawa ng alternatibong serbisyong pansibilyan na pinangangasiwaan ng militar. Dahil sa kawalang-katarungang ito, ang Armenia ay nagbayad ng danyos sa mga biktima at ibinalik ang mga nagastos ng mga ito dahil sa paglilitis.

Sa kabila ng paborableng desisyon sa kasong Khachatryan at sa mas naunang makasaysayang tagumpay sa kasong Bayatyan v. Armenia, pati na ang iba pang sumunod na mga desisyon ng ECHR, patuloy pa ring kinakasuhan at ibinibilanggo ng gobyerno ng Armenia ang mga kabataang Saksi. Pero noong Hunyo 8, 2013, inamyendahan na ng gobyerno ang Alternative Service Law, na tila mag-aalis ng kontrol at superbisyon ng militar sa alternatibong serbisyo. Lahat ng nakabilanggong Saksi dahil sa pagtangging sumuporta sa militar ay pinalaya noong Nobyembre 12, 2013, at inaaprobahan na ang mga aplikasyon ng mga kabataang brother para sa alternatibong serbisyo.

SOUTH KOREA

Nitong Oktubre 31, 2013, may 602 brother na nakakulong. Mula 1950, sinentensiyahan ng mga awtoridad sa South Korea ang 17,605 Saksi ni Jehova. Kaya umabot na sa 34,184 na taon ang nagugol nila sa bilangguan dahil sa pagtangging magsundalo.

Hanggang nitong kamakailan, maraming nakabilanggong Saksi ang may kasama sa kanilang selda na mga kriminal, at pusakal pa nga ang iba. Pero isang grupo ng mga brother ang ipinadala para pakiusapan ang hepe ng Korea Correctional Service na ihiwalay ang mga brother mula sa ibang bilanggo. Agad na kumilos ang mga nangangasiwa sa bilangguan at inihiwalay ang karamihan sa ating mga kapatid. Kaya nitong Abril 2013, nasa 75 porsiyento na ng mga kapatid ang sama-sama sa mga seldang binubuo ng apat o limang kapatid. Ano ang epekto nito sa mga nakakulong nating brother?

“Nailayo na kami sa masasamang impluwensiya gaya ng imoralidad at mapang-abusong pananalita,” ang sabi ng isang brother. “Ngayon, nakakapagpalitan na kami ng pampatibay-loob at nakapagdaraos ng limang pulong kada linggo,” ang sabi ng isa pa.

Samantala, 56 na lalaki na inalis sa serbisyo sa militar para maging reserba at naging mga Saksi nang maglaon ang paulit-ulit na nililitis, pinagmumulta, at ikinukulong kapag tumatanggi sa militar na pagsasanay tuwing ipinapatawag sila. Dahil ilang beses din silang ipinapatawag bawat taon sa loob ng walong taon, hindi talaga madaling harapin ang kanilang sitwasyon.

SINGAPORE

Kahit paulit-ulit na nakikiusap ang 12 brother na gumawa na lang sila ng alternatibong serbisyong pansibilyan, sinentensiyahan pa rin sila ng 39-na-buwang pagkabilanggo sa Armed Forces Detention Barracks. Isa pang brother ang nasentensiyahan ng isang taon dahil sa pagtangging maging reserba sa militar.

TURKMENISTAN

Siyam na brother na tumangging magsundalo dahil sa budhi ang sinentensiyahan ng 18-buwan hanggang dalawang-taóng pagkabilanggo at madalas na bugbog-sarado sa mga sundalo at mga bantay sa bilangguan. Kapag pinapalaya ang mga Saksing ito, kinakasuhan ulit sila ng mga awtoridad dahil daw sa muling paglabag sa batas at nagiging mas malala ang sitwasyon nila sa bilangguan. Ang mga tumutulong sa sampung Saksi na tumangging magsundalo dahil sa budhi ay nagpasa na ng reklamo sa United Nations Human Rights Committee.

Pagtangging Makibahagi sa Makabayang mga Seremonya Dahil sa Budhi

Batay sa Daniel 3:16-18.

Larawan sa pahina 32

Tanzania: Matapos silang mabigyan ng hustisya, balik-eskuwela na ang mga Saksing ito

TANZANIA

Nagkaisa ang Court of Appeal sa Dar es Salaam, ang pinakamataas na korte sa Tanzania, na mali ang ginawa ng pamunuan ng paaralan na pagpapatalsik sa 5 estudyante at pagsususpende sa 122 iba pa dahil sa pagtanggi nilang umawit ng pambansang awit. Sa desisyong inilabas noong Hulyo 12, 2013, kinilala ng korte ang taimtim na pananampalataya ng mga estudyanteng Saksi at ang kanilang kalayaan sa budhi at relihiyon na protektado ng Konstitusyon. Bilang resulta ng determinasyon ng mga kabataang ito na manatiling tapat sa Diyos, naluwalhati ang pangalan ni Jehova at naitaguyod ang kalayaan sa pagsamba sa Tanzania.

Kalayaan sa Pagpapahayag

Batay sa Gawa 4:19, 20.

KAZAKHSTAN

Sa isang “pag-aaral ng mga eksperto” na isinagawa ng Regional Department of Religious Affairs, idineklarang “ekstremista” ang ilang publikasyon natin, na humihimok daw ng pagkakabaha-bahagi sa lipunan at relihiyon. Noong Abril 6, 2013, kinumpiska ng mga pulis sa lunsod ng Karabalyk ang ating mga literatura sa isang pulong ng kongregasyon sa isang pribadong bahay kahit wala silang awtorisasyon na gawin iyon. Noong Hulyo 3, 2013, pinagtibay ng Astana Economic Court ang desisyong ipagbawal ang sampu sa ating mga publikasyon. Kaya tuloy pa rin ang paghihigpit sa importasyon ng ating mga literatura. Isa pa, noong Disyembre 2012, sinimulan ng mga opisyal ng gobyerno ang sunud-sunod na pag-aresto at pagbilanggo sa ating mga kapatid dahil daw sa ilegal na pagmimisyonero. Noong Marso 28, 2013, inutusan naman ng Agency for Religious Affairs ang Regional Religious Center of Jehovah’s Witnesses na sabihan ang lahat ng Saksi ni Jehova sa Kazakhstan na hindi sila puwedeng mangaral sa labas ng kanilang mga nakarehistrong dako ng pagsamba. Nitong Hulyo 2013, nagsampa ng mga kaso ang mga awtoridad laban sa 21 kapatid.

Kalayaan sa Pagtitipon at Pakikipagsamahan

Batay sa Hebreo 10:24, 25.

AZERBAIJAN

Noong Enero 2010, tumanggi ang State Committee for Work with Religious Associations na irehistrong muli ang Religious Community of Jehovah’s Witnesses dahil daw sa ilang teknikalidad sa aplikasyon. Kahit ilang beses nang sinubukan ng mga Saksi ni Jehova na itama ang diumano’y mga pagkakamali nila sa aplikasyon, ayaw pa ring payagan ng mga awtoridad ang muling pagrerehistro. Noong Hulyo 31, 2012, dinala na ng mga kapatid ang kaso sa ECHR, at sinabing nilabag ng gobyerno ang ating kalayaan sa relihiyon dahil ayaw nitong irehistro ang ating relihiyosong organisasyon kahit wala namang legal na batayan. Kung hindi sila muling mairerehistro, hindi sila magiging lubusang malaya sa kanilang gawaing pagsamba.

Kalayaan at Seguridad ng Tao at Ari-arian

Batay sa Filipos 1:7.

UKRAINE

Bagaman malaya ang pagsamba ng mga Saksi sa Ukraine, dumaranas naman sila ng pisikal na pananakit at panununog at pagsira sa mga Kingdom Hall. Hindi ito iniimbestigahang mabuti at nililitis ng mga nasa awtoridad, kaya hindi kataka-takang lumalakas ang loob ng mga mananalansang. Nitong 2012 at 2013, mas dumami ang krimeng naranasan ng mga kapatid. Ang 5 naiulat na pagsira at pagsunog sa Kingdom Hall noong 2010 ay naging 15 noong 2011, naging 50 noong 2012, at sa unang limang buwan pa lang ng 2013, may 23 insidente na. Idinudulog na ng tanggapang pansangay ang mga kasong ito sa United Nations Human Rights Committee.

Larawan sa pahina 28

Ukraine: Itatayong muli ng mga kapatid ang Kingdom Hall na ito na sinira at sinunog

Karapatang Magpasiya Para sa Sarili

Batay sa Gawa 5:29 at Gawa 15:28, 29.

ARGENTINA

Noong tagsibol ng 2012, si Pablo Albarracini, na nadamay lang sa isang tangkang pagnanakaw, ay nabaril nang maraming beses at isinugod nang walang malay sa ospital. Bago iyan, pinunan niya ang kaniyang durable power of attorney (DPA) kung saan nakasaad na tinatanggihan niya ang paggamot na ginagamitan ng mga produktong galing sa dugo. Bagaman gustong sundin ng ospital ang kaniyang malinaw na desisyon, sinubukan ng kaniyang di-Saksing kapamilya na makakuha ng utos mula sa korte na salinan ng dugo si Brother Albarracini dahil kailangan daw ito para mabuhay siya. Pero kinatigan si Brother Albarracini ng Korte Suprema ng Argentina at iginalang ang karapatan niyang magbigay ng tagubilin sa paggamot sa kaniya kahit wala siyang malay. Hindi siya nasalinan ng dugo at naka-recover namang mabuti. Nagpapasalamat siya kay Jehova na napanatili niya ang kaniyang katapatan sa mahalagang isyung ito.

Mga Biktima ng Diskriminasyon sa Relihiyon

Batay sa Lucas 21:12-17.

KYRGYZSTAN

Noong Abril 16, 2013, kinatigan ng isang korte ang mga kapatid sa Toktogul, kung saan dalawang beses na winasak ng mga tagaroon ang isang Kingdom Hall. Hinatulan ng korte ang mga responsable at inutusang magbayad ng danyos. Sinimulan na rin ang paglilitis sa mga pangunahing responsable sa unang pagwasak sa Kingdom Hall, at umaasa ang mga kapatid na matatapos na ang gayong mga problema sa lugar. Samantala, itatayo nang muli ng mga kongregasyon ang kanilang Kingdom Hall.

Larawan sa pahina 34

Kyrgyzstan: Ang Kingdom Hall na ito ay dalawang beses na winasak ng mga tagaroon

Malalaking Tagumpay sa Hukuman

  1. Usapin: Dapat bang humingi ng permiso ang isang relihiyosong grupo para makapagdaos ng mga pulong sa kongregasyon at kombensiyon?

    Desisyon: Noong Disyembre 5, 2012, sinabi ng Constitutional Court of the Russian Federation na ginagarantiyahan ng Konstitusyon ng Russia ang kalayaan sa relihiyon. Ipinasiya nito na maaaring magdaos ng mga relihiyosong pagtitipon ang ating mga kapatid kahit hindi na sila humingi ng permiso sa mga awtoridad.

  2. Usapin: Ang mga mamamayan ba ay may karapatan na panatilihing kompidensiyal ang kanilang medikal na rekord? Ugat ng usapin: Noong 2007, inutusan ng isang deputy city prosecutor sa St. Petersburg, Russia, ang lahat ng pagamutan sa lunsod na ipadala sa opisina ng prosecutor ang lahat ng rekord ng mga Saksi ni Jehova na tumangging magpasalin ng dugo​—nang hindi ipinagbibigay-alam sa pasyente. Dahil nabigo ang mga korte sa Russia na protektahan ang karapatang ito ng mga pasyente, nagpasa ng petisyon ang mga kapatid sa European Court of Human Rights (ECHR).

    Desisyon: Noong Hunyo 6, 2013, sinabi ng ECHR na ang utos ng prosecutor ay isang paglabag sa karapatan sa privacy at pinagtibay nito na walang “mahalaga o sapat na dahilan” para isiwalat ang pribadong impormasyong ito sa mga opisyal sa Russia. Nitong Oktubre 7, naging pinal na ang desisyon nang ibasura ng Grand Chamber ng ECHR ang hiling ng Russia na marepaso ang kaso.​—Avilkina and Others v. Russia.

Update sa mga Legal na Usapin sa Nakaraang Taunang Aklat

Sinunod ng gobyerno ng Pransiya ang utos ng ECHR noong Hulyo 5, 2012, sa isang kaso ng di-makatarungang pagpapataw ng buwis. Ibinalik ng gobyerno ang kinumpiska nilang pera kasama ang interes nito. Binayaran din ang legal na mga gastusin, at inalis ang lahat ng pataw na sagutin (lien) sa property ng sangay.​—2013 Taunang Aklat, pahina 34.

Ang mga Saksi ni Jehova sa India ay patuloy na nakararanas ng pagsalansang sa iba’t ibang lugar sa bansa. Pero hindi na sila ikinukulong o sinasampahan ng kaso gaya ng dati. Sa ngayon, may mga 20 nakabinbing kaso na isinampa para bigyang-katarungan ang mga ginawa sa ating mga kapatid.​—2013 Taunang Aklat, pahina 35.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share