Warwick, NY: World Headquarters
Tampok na mga Pangyayari Noong Nakaraang Taon
HABANG dumaranas ng sunod-sunod na kalamidad ang daigdig ni Satanas, ang tunay na mga mananamba ni Jehova ay patuloy na “maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon.” (1 Cor. 15:58) Ipinakikita ng sumusunod na mga report kung paano sinisikap ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig na ‘magtiwala kay Jehova, gumawa ng mabuti, at makitungo nang may katapatan.’—Awit 37:3.
Paglipat ng Pandaigdig na Punong-Tanggapan at Tanggapang Pansangay
Ang pagpapalaki sa mga pasilidad sa Wallkill, New York, ay natapos noong Pebrero 1, 2016, anupat nakalipat sa lugar na iyon ang United States Branch Committee, ang Service Department, at ang iba pang departamento ng sangay sa United States. At dahil papatapos na ang gawain sa bagong pandaigdig na punong-tanggapan sa Warwick, napakalaking trabaho ang ginagawa ng pamilyang Bethel sa Brooklyn na paglipat sa probinsiya mula sa New York City.
Sa Lunes, Abril 3, 2017, ang pandaigdig na punong-tanggapan sa Warwick ay magbubukas para sa mga tour, na may tatlong personal na paglilibot sa mga eksibit at isang paglilibot na may tour guide.
Itinatampok sa “The Bible and the Divine Name” ang di-karaniwang mga Bibliya at ang katotohanan na ang pangalan ng Diyos ay nasa Kasulatan.
Itinatampok sa “A People for Jehovah’s Name” ang kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova, na nagpapakita kung paano patuluyang ginagabayan, tinuturuan, at inoorganisa ni Jehova ang bayan niya para gawin ang kaniyang kalooban.
Ang “World Headquarters—Faith in Action” ay isang interactive exhibit na nagpapaliwanag kung ano ang ginagawa ng mga komite ng Lupong Tagapamahala para tulungan ang bayan ni Jehova na regular na magtipon, gumawa ng mga alagad, mag-aral ng Salita ng Diyos, at magpakita ng pag-ibig sa isa’t isa.
Ang personal na paglilibot ay maaaring gawin nang Lunes hanggang Biyernes mula 8:00 n.u. hanggang 4:00 n.h. Puwede ring masiyahan ang mga bisita sa 20-minutong paglilibot na may tour guide na magtatampok sa ilang bahagi ng Offices/Services Building at sa paligid ng Bethel. Ang maikling paglilibot na may tour guide ay maaaring gawin nang Lunes hanggang Biyernes mula 8:00 n.u. hanggang 11:00 n.u. at mula 1:00 n.h. hanggang 4:00 n.h.
Bago planuhin ang inyong pagdalaw, pakisuyong tingnan ang jw.org/tl at tingnan ang TUNGKOL SA AMIN > TANGGAPAN AT TOUR > United States.