Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • ijwbq artikulo 193
  • Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol kay Daniel?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol kay Daniel?
  • Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang sagot ng Bibliya
  • Sino si Daniel?
  • Daniel—Isang Aklat na Nililitis
    Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel!
  • Aklat ng Bibliya Bilang 27—Daniel
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Daniel
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Ikaw at ang Aklat ng Daniel
    Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel!
Iba Pa
Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
ijwbq artikulo 193
Si propeta Daniel na nananalangin sa Diyos habang nasa yungib ng leon.

Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol kay Daniel?

Ang sagot ng Bibliya

Si Daniel ay isang natatanging propetang Judio noong 700 at 600 B.C.E. Sa tulong ng Diyos, kaya niyang bigyang-kahulugan ang mga panaginip. Binigyan din siya ng mga pangitain tungkol sa mangyayari sa hinaharap, at ginabayan siya para isulat ang aklat ng Bibliya na ipinangalan sa kaniya.—Daniel 1:17; 2:19.

Sino si Daniel?

Lumaki si Daniel sa Juda, isang kaharian kung saan nandoon ang lunsod ng Jerusalem at ang templo ng mga Judio. Noong 617 B.C.E., nabihag ng hari ng Babilonya na si Nabucodonosor ang Jerusalem at kinuha niya ang “mga prominenteng tao sa lupain” para gawing tapon sa Babilonya. (2 Hari 24:15; Daniel 1:1) Malamang na tin-edyer na si Daniel noon, at kasama siya sa mga kinuha.

Si Daniel at ang iba pang kabataang lalaki na inihahatid ng mga guwardiya papunta sa palasyo ng Babilonya.

Si Daniel at ang iba pang kabataan (kasama na sina Sadrac, Mesac, at Abednego) ay dinala sa palasyo ng Babilonya. Tatanggap sila ng espesyal na pagsasanay para maglingkod sa pamahalaan. Kahit pinipilit silang ikompromiso ang mga paniniwala nila, si Daniel at ang tatlong kaibigan niya ay nanatiling tapat sa Diyos nila, si Jehova. (Daniel 1:3-8) Pagkatapos sanayin nang tatlong taon, pinuri sila ni Haring Nabucodonosor dahil sa karunungan at kakayahan nila. Nakita niyang “mas magaling sila nang 10 beses kaysa sa lahat ng mahikong saserdote at salamangkero sa kaharian niya.” Kaya inatasan niya si Daniel at ang tatlong kaibigan nito na maglingkod sa palasyo ng hari.—Daniel 1:18-20.

Pagkalipas nang ilang dekada, malamang na lampas 90 na si Daniel, inutusan siya ni Belsasar, ang namamahala noon sa Babilonya, na bigyang-kahulugan ang misteryosong sulat-kamay na lumitaw sa pader. Sa tulong ng Diyos, ipinaliwanag ni Daniel na masasakop ng Imperyo ng Medo-Persia ang Babilonya. Nang gabi ring iyon, sinakop nga ang Babilonya.—Daniel 5:1, 13-31.

Si Daniel na binibigyang-kahulugan ang nakasulat sa pader.

Ngayon, sa ilalim ng pamamahala ng Medo-Persia, inatasan si Daniel na maging mataas na opisyal, at iniisip ni Haring Dario na itaas pa ang posisyon niya. (Daniel 6:1-3) Dahil sa inggit, pinlano ng ibang opisyal na maipatapon si Daniel sa yungib ng mga leon para mamatay siya, pero iniligtas siya ni Jehova. (Daniel 6:4-23) Noong malapit nang mamatay si Daniel, isang anghel ang nagpakita sa kaniya at dalawang beses nitong tiniyak kay Daniel na siya ay “talagang kalugod-lugod.”—Daniel 10:11, 19.

Panoorin ang dalawang bahagi ng drama sa Bibliya na Daniel—Nanampalataya Hanggang Wakas.

Ano ang sinasabi ng kasaysayan tungkol sa aklat ng Bibliya na Daniel?

Sinabi ni Daniel: Gumawa si Nabucodonosor ng napakalaking imahen, at inutusan niya ang mga sakop niya na sambahin ito, at ipatapon sa nag-aapoy na hurno ang mga susuway sa kaniya.—Daniel 3:1-6.

Ang sinasabi ng kasaysayan: Maraming proyektong ipinatayo si Nabucodonosor sa Babilonya “hindi lang para sa sarili niyang kapurihan, kundi para parangalan din ang mga diyos,” ang sabi ng Encyclopædia Britannica. “Inaangkin niyang ‘siya ang nagturo sa mga tao na sambahin ang mga dakilang diyos.’”

Tungkol sa pagsusunog sa hurno bilang parusa, makikita ito nang ilang beses sa mga rekord ng Babilonya noon, kasama na ang mga kaso na ipinag-utos ng tagapamahala. Sa isang sulat noong panahon ng pamamahala ni Nabucodonosor, mababasa ang parusa sa mga opisyal na naakusahang lumalapastangan sa mga diyos ng Babilonya. Sinasabi doon: “Lipulin sila, sunugin sila, tustahin sila, . . . sa hurnuhan . . . hayaang pumailanlang ang usok nila, dalhin sila sa maapoy na katapusan nila sa naglalagablab na apoy.”a

Isinulat ni Daniel: Ipinagyayabang ni Haring Nabucodonosor ang mga proyekto niya ng pagtatayo.—Daniel 4:29, 30.

Isang laryong nahukay sa Babilonya na may tatak ng pangalan ni Nabucodonosor

Ang sinasabi ng kasaysayan: “Mababasa sa mga rekord na iniwan ni Nabucodonosor sa mga susunod na henerasyon . . . ang tungkol sa isang dakilang hari na tiwalang-tiwala sa sariling katuwiran at kapangyarihan niya.”b Halimbawa, sa isang gusali, nakasulat ang ganitong pagyayabang ni Nabucodonosor: “Nagtayo ako ng matibay na pader gamit ang bitumen at laryo, para itong isang bundok, na hindi matitinag . . . Pinatibay ko ang mga tanggulan ng Esagila at Babilonya para maalala ng lahat ng tao ang pamamahala ko magpakailanman.”c Marami sa mga laryong nahukay sa Babilonya ay may tatak ng pangalan ni Nabucodonosor.

Isinulat ni Daniel: Inalok ni Haring Belsasar si Daniel na maging “ikatlong pinakamataas na tagapamahala sa kaharian” ng Babilonya.—Daniel 5:1, 13-16.

Makikita sa cylinder na ito na mula pa noong 550 B.C.E. ang pangalan nina Haring Nabonido at ng anak niyang si Belsasar

Ang sinasabi ng kasaysayan: Si Nabonido ang hari noong nangyayari ang mga nakaulat sa Daniel kabanata 5. Pero noong namamahala si Nabonido, mas madalas na nasa Arabia siya, at wala sa Babilonya. Sino ang namamahala sa Babilonya habang wala siya? “Sinabi ng isang sinaunang rekord na ipinagkatiwala ni Nabonido ang paghahari sa panganay niyang anak na si Belsasar,” ang paliwanag ng historian na si Raymond Philip Dougherty sa aklat niyang Nabonidus and Belshazzar. “Si Belsasar ang gumanap sa mga tungkulin at kumatawan sa hari, ang tatay niya, habang wala ito.” Dahil si Nabonido at Belsasar na ang nasa una at ikalawang posisyon sa kaharian, ang ikatlong posisyon ang inialok ni Belsasar kay Daniel.

a Journal of Biblical Literature, Volume 128, Number 2, pahina 279, 284.

b Babylon—City of Wonders, nina Irving Finkel at Michael Seymour, pahina 17.

c Archæology and the Bible, ni George Barton, pahina 479.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share