Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • ijwyp artikulo 69
  • Bakit Kailangan Kong Manalangin?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Kailangan Kong Manalangin?
  • Tanong ng mga Kabataan
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ang panalangin?
  • Nakikinig ba ang Diyos?
  • Ano ang puwede kong ipanalangin?
  • Lumapit sa Diyos sa Panalangin
    Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
  • Ang Pribilehiyong Panalangin
    Ano ang Itinuturo sa Atin ng Bibliya?
  • Kung Papaano Ka Mápapalapít sa Diyos
    Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan
  • Maging Malapít sa Diyos sa Panalangin
    Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
Iba Pa
Tanong ng mga Kabataan
ijwyp artikulo 69
Isang tin-edyer na babae na nakaupo sa tabi ng lawa

TANONG NG MGA KABATAAN

Bakit Kailangan Kong Manalangin?

Ayon sa isang surbey, 80 porsiyento ng mga tin-edyer sa Amerika ang nananalangin, pero kalahati lang sa mga ito ang nananalangin araw-araw. Kaya malamang na naitatanong ng ilan sa kanila: ‘Ang panalangin ba ay pampagaan lang ng loob, o may iba pa itong layunin?’

  • Ano ang panalangin?

  • Nakikinig ba ang Diyos?

  • Ano ang puwede kong ipanalangin?

  • Ang sinasabi ng ibang kabataan

Ano ang panalangin?

Ang panalangin ay komunikasyon sa Maylikha ng lahat ng bagay. Isipin ang ibig sabihin nito! Si Jehova ay nakakahigit sa mga tao, pero “hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.” (Gawa 17:27) Sa katunayan, may magandang paanyaya ang Bibliya: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.”—Santiago 4:8.

Paano ka mapapalapít sa Diyos?

  • Ang isang paraan ay pananalangin—sa pamamagitan nito, nakakausap mo ang Diyos.

  • Ang isa pang paraan ay pag-aaral ng Bibliya—sa pamamagitan nito, “kinakausap” ka ng Diyos.

Ang ganitong komunikasyon—pananalangin at pag-aaral ng Bibliya—ay tutulong sa iyo para maging matalik na kaibigan mo ang Diyos.

“Ang pakikipag-usap kay Jehova—ang Kataas-taasan—ay isa sa mga pinakadakilang pribilehiyo para sa mga tao.”—Jeremy.

“Mas napapalapít ako kay Jehova kapag ipinapanalangin ko sa kaniya ang mga niloloob ko.”—Miranda.

Nakikinig ba ang Diyos?

Kahit naniniwala ka sa Diyos—at kahit nananalangin ka sa kaniya—baka mahirapan ka pa ring tanggapin ang ideya na talagang pinakikinggan ka niya. Pero tinatawag ng Bibliya si Jehova na “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Inaanyayahan ka rin nito na ‘ihagis sa kaniya ang lahat ng iyong kabalisahan.’ Bakit? Dahil ‘siya ay nagmamalasakit sa iyo.’—1 Pedro 5:7.

Pag-isipan ito: Naglalaan ka ba ng panahon para makausap nang regular ang malalapít mong kaibigan? Puwede mo ring regular na kausapin ang Diyos sa panalangin, at gamitin ang kaniyang pangalan, Jehova. (Awit 86:5-7; 88:9) Oo, inaanyayahan ka ng Bibliya na ‘manalangin nang walang lubay.’—1 Tesalonica 5:17.

“Sa panalangin, nakakausap ko ang Ama ko sa langit. Dito ko naibubuhos ang laman ng puso ko.”—Moises.

“Nakakausap ko nang malalim si Jehova, gaya ng pakikipag-usap ko sa nanay ko o sa isang matalik na kaibigan.”—Karen.

Ano ang puwede kong ipanalangin?

Sinasabi ng Bibliya: “Sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos.”—Filipos 4:6.

Ibig bang sabihin nito, OK lang na ipanalangin ang mga problema mo? Oo! Sinasabi pa nga ng Bibliya: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo.”—Awit 55:22.

Siyempre pa, hindi lang puro tungkol sa mga problema ang dapat mong ipanalangin sa Diyos. “Kung puro paghingi na lang ng tulong ang ipinapanalangin ko kay Jehova, hindi masasabing tunay ang pakikipagkaibigan ko sa kaniya,” ang sabi ng kabataang si Chantelle. “Dapat na magpasalamat muna sa kaniya—at maraming bagay akong dapat ipagpasalamat.”

Pag-isipan ito: Anong mga bagay sa buhay mo ang ipinagpapasalamat mo? Mag-isip ng tatlong bagay na maipagpapasalamat mo kay Jehova ngayon.

“Kahit simpleng bagay lang, gaya ng nakita mong magandang bulaklak, puwede kang manalangin para pasalamatan si Jehova.”—Anita.

“Bulay-bulayin ang isang kamangha-manghang likha ng Diyos o ang isang teksto sa Bibliya na nakaantig sa iyo, pagkatapos, pasalamatan mo si Jehova dahil dito.”—Brian.

Ang sinasabi ng ibang kabataan

Moises

“Ang lalim ng ating mga panalangin ay dapat na maging tulad ng karagatan, hindi mababaw. Gusto tayong tulungan ni Jehova, at kahit alam niya kung ano ang kailangan natin bago pa natin ito masabi, maipapakita natin ang pagtitiwala natin sa kaniya sa lalim ng ating mga panalangin.”—Moises.

Miranda

“Ang panalangin ay parang lubid. Si Jehova ang may hawak sa isang dulo at ako naman sa kabila. Kapag ipinapanalangin ko ang niloloob ko, para bang hinihigpitan ko ang hawak ko sa lubid at gayundin si Jehova, kaya humihigpit ang buklod namin.”—Miranda.

Jeremy

“Kung hindi tayo mag-iingat, ang panalangin natin ay baka maging puro kahilingan na lang. Pero kung pasasalamatan natin si Jehova, mapapahalagahan natin ang maraming bagay na ibinigay niya sa atin at hindi lang sa sarili natin nakapokus ang ating mga panalangin.”—Jeremy.

Shelby

“Habang mas pinapasalamatan natin si Jehova, mas nagiging mapagpahalaga tayo. Kapag nagpapasalamat tayo kay Jehova sa panalangin, nakakapagpokus tayo sa mga pagpapalang natatanggap natin imbes na sa mga problema.”—Shelby.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share