Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • ijwyp artikulo 84
  • Bakit Laging Mali ang Nasasabi Ko?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Laging Mali ang Nasasabi Ko?
  • Tanong ng mga Kabataan
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Bakit mali ang nasasabi ko?
  • Pagkontrol sa dila
  • Dila
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Magpakita ng Pag-ibig at Paggalang sa Pamamagitan ng Pagpigil sa Iyong Dila
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Ano ang Masama sa Pagtuyâ?
    Gumising!—1991
  • Gamitin sa Ikabubuti ang Kapangyarihan ng Dila
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
Iba Pa
Tanong ng mga Kabataan
ijwyp artikulo 84
Sinisikap ng isang kabataan na sunggaban ang mga salitang lumabas sa kaniyang bibig

TANONG NG MGA KABATAAN

Bakit Laging Mali ang Nasasabi Ko?

“Minsan, nakokontrol ko ang dila ko, pero may mga pagkakataong salita lang ako nang salita nang hindi nag-iisip!”—James.

“Kapag kinakabahan ako, hindi na ako nakakapag-isip bago magsalita. Kapag relaxed naman ako, sumosobra naman ang sinasabi ko. Kaya lagi na lang akong sablay.”—Marie.

Sinasabi ng Bibliya: “Ang dila ay isang apoy” at, “Kay liit na apoy ang kailangan upang silaban ang isang napakalaking kakahuyan!” (Santiago 3:5, 6) Madalas ka bang mapahamak dahil sa sinasabi mo? Kung oo, matutulungan ka ng artikulong ito.

  • Bakit mali ang nasasabi ko?

  • Pagkontrol sa dila

  • Ang sinasabi ng ibang kabataan

Bakit mali ang nasasabi ko?

Hindi tayo perpekto. Sinasabi ng Bibliya: “Tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit. Kung ang sinuman ay hindi natitisod sa salita, ang isang ito ay taong sakdal.” (Santiago 3:2) Dahil hindi tayo perpekto, madali tayong matisod kapag naglalakad at madaling magkamali kapag nagsasalita.

“Dahil hindi perpekto ang utak ko at dila, imposibleng makontrol ko sila sa perpektong paraan.”—Anna.

Sobrang pagsasalita. Sinasabi ng Bibliya: “Dahil sa karamihan ng mga salita ay hindi magkukulang ng pagsalansang.” (Kawikaan 10:19) Ang mga taong madaldal, pero hindi masyadong nakikinig, ay mas malamang na makapagsalita ng nakakasakit sa iba.

“Ang pinakamatalinong tao sa isang kuwarto ay hindi y’ong maraming sinasabi. Si Jesus ang pinakamatalinong tao na nabuhay pero may mga pagkakataong nanahimik lang siya.”—Julia.

Pagiging sarkastiko. Sinasabi ng Bibliya: “May isa na nagsasalita nang di-pinag-iisipan na gaya ng mga saksak ng tabak.” (Kawikaan 12:18) Ang isang halimbawa nito ay ang pagiging sarkastiko—masasakit na salita para maliitin ang iba. Sinasabi ng mga taong sarkastiko, “Biro lang!” Pero hindi nakakatawa ang magpahiya ng iba. Pinapayuhan tayo ng Bibliya na alisin ang “mapang-abusong pananalita” at “ang lahat ng kasamaan.”—Efeso 4:31.

“Mabilis akong mag-isip at mahilig akong magpatawa kaya nagiging sarkastiko ako, at napapahamak.”—Oksana.

Sinusubukan ng isang kabataan na ibalik ang toothpaste sa lalagyan nito

Kapag nakapagbitiw ka na ng salita, hindi mo na ito mababawi, kung paanong hindi mo na maibabalik ang toothpaste sa lalagyan nito

Pagkontrol sa dila

Hindi madaling kontrolin ang dila, pero matutulungan ka ng mga simulain ng Bibliya. Halimbawa:

“Magsalita kayo sa inyong puso, . . . at manahimik kayo.”—Awit 4:4.

Minsan, mas maganda nang huwag sumagot. “Ang nararamdaman ko sa panahong galit ako ay puwedeng magbago,” ang sabi ng kabataang si Laura. “Kapag kalmado na ako, nagpapasalamat ako na hindi ko sinabi ang nasa isip ko.” Kung magpapalipas ka nang ilang sandali, maiiwasan mong magsalita ng di-tama.

“Hindi ba sinusubok ng tainga ang mga salita kung paanong nilalasahan ng ngalangala ang pagkain?”—Job 12:11.

Bago magsalita, isipin muna ang sumusunod na mga tanong:

  • Totoo ba ito? Nakakapagpatibay ba ito? Kailangan ba itong sabihin?—Roma 14:19.

  • Ano ang madarama ko kung sabihin ito ng iba sa akin?—Mateo 7:12.

  • Magpapakita ba ito ng respeto sa opinyon ng iba?—Roma 12:10.

  • Ngayon ba ang tamang panahon para sabihin ito?—Eclesiastes 3:7.

“May kababaan ng pag-iisip na [ituring] na ang iba ay nakatataas sa inyo.”—Filipos 2:3.

Matutulungan ka ng payong iyan na magkaroon ng magandang pananaw sa iba para makontrol mo ang iyong dila at makapag-isip ka bago magsalita. Kahit huli na at nakapagbitiw ka na ng masakit na salita, ang kapakumbabaan ay tutulong sa iyo na humingi ng tawad—at gawin iyon agad-agad! (Mateo 5:23, 24) At sa susunod, sikapin mong kontrolin ang iyong dila.

Ang sinasabi ng ibang kabataan

Si Taylor

“Kapag excited akong magkuwento, madalas akong magsabi ng mga bagay na hindi ko naman sinasadya. Pero kung pag-iisipan ko muna, kahit 10 segundo lang, ang magiging epekto ng sasabihin ko sa iba o kung makakatulong iyon sa usapan, mas makokontrol ko ang dila ko.”—Taylor.

Si Brandon

“Kapag na-offend ka sa sinabi ng iba, mabuting pag-isipan muna ang mga sitwasyon. Madalas, hindi nila sinasadya ito at puwede nang palampasin. Pero may mga pagkakataon naman na sa tingin mo, parang unfair iyon, pero ang totoo, baka may punto naman sila. Sa ganitong sitwasyon, kailangang maging positibo ka at kalmado para maayos ito.”—Brandon.

Si Jessica

“Mas maiiwasan nating magsalita nang nakakasakit kung iiwasan nating mag-isip ng masama. Minsan, kailangan nating i-adjust ang pananaw natin sa isang sitwasyon at ang saloobin natin sa mga tao. Kung gagawin natin ito, hindi tayo matutuksong magsalita ng masakit sa kanila.”—Jessica.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share