WARREN REYNOLDS | KUWENTO NG BUHAY
Masaya Ako na Tama ang Pinili Kong Career
Sa isang kagubatan sa northwestern Australia, nakaupo ako kasama ng ilang kapatid sa harap ng campfire habang pinagkukuwentuhan namin kung paano kami pinagpapala ni Jehova. Maraming beses ko na itong nagawa. Pero madalas na sa iba’t ibang bansa, kasama ng iba’t ibang tao na nagsasalita ng ibang wika. Nasisilayan ko sa liwanag ng apoy ang ngiti sa mukha ng babaeng pinakamamahal ko. Magkasama naming na-enjoy ang paglilingkod kay Jehova sa iba’t ibang lugar na hindi ko inisip na mararating ko noong bata pa ako. Ang totoo, noong kabataan pa ako, muntik ko nang piliin ang naiibang buhay. Ipapaliwanag ko kung bakit.
Lumaki ako sa isang probinsiya sa Australia. Noong 1950’s, nalaman ng mga magulang at mga lolo’t lola ko ang katotohanan. Nagsimula akong mangaral noong 6 na taóng gulang ako at nabautismuhan noong 13 ako. Madalas akong mag-auxiliary pioneer kapag bakasyon sa paaralan. Talagang mahal ko si Jehova at gusto ko siyang paglingkuran habang buhay.
Kasama ng mga magulang ko at apat na kapatid
Noong 15 ako, napansin ng mga coach ko sa school na magaling ako sa sports. Dahil dito, inalok ako ng scholarship ng mga representative ng isang professional rugby league team. Nagustuhan ko ang ideya na maging isang rugby star, pero nakapag-alay na ako kay Jehova. Sinabi sa akin ni Tatay na pag-isipan ko munang mabuti ang ginawa kong pag-aalay kay Jehova bago ako gumawa ng desisyon kung pipiliin kong career ang sports o hindi. Ginawa ko ang sinabi ni Tatay at nakita kong hindi ko puwedeng pagsabayin ang dalawang career, kaya tinanggihan ko ang alok sa akin. Pagkalipas ng ilang buwan, inalok din ako ng scholarship ng Australian Institute of Sport sa Canberra. Sasanayin nila ako bilang mananakbo ng marathon, at may pagkakataong katawanin ang Australia sa Commonwealth Games o Olympic Games. Pero dahil gustong-gusto kong tuparin ang pag-aalay ko sa Diyos na minamahal ko, tinanggihan ko rin ito.
Hindi nagtagal, nakatapos ako ng pag-aaral at nagsimulang mag-regular pioneer, na matagal ko nang gustong gawin. Pero nangailangan sa pinansiyal ang pamilya ko kaya kinailangan kong huminto sa pagpapayunir. Nagtrabaho ako nang full-time sa isang farm at nagpatakbo ng mga makina. Malapit na akong mag-adulto nang mga panahong iyon at namumuhay na akong mag-isa. Naging rutin na lang ang pagsamba ko at talagang nanghina ako sa espirituwal. Nagkaroon ako ng mga kaibigang mahilig uminom at imoral, at natukso akong gayahin sila. Napabayaan ko ang kaugnayan ko kay Jehova at ginawa ko kung ano lang ang nakakapagpasaya sa akin.
Lumipat ako ng ibang bayan para makapagpokus ulit at makalayo sa masasamang impluwensiya. Sinikap kong maging malapít uli kay Jehova at makabalik sa pagpapayunir. Pagkatapos, nakilala ko si Leann McSharry, isang mahiyaing probinsiyana na payunir. Naging magkaibigan kami, at pinag-uusapan namin ang mga goal namin kasama na ang paglilingkod bilang misyonero. Nagpakasal kami noong 1993. Pareho naming gusto na magpagabay kay Jehova.
Pag-abot sa mga Goal Namin
Nang taóng iyon, nag-regular pioneer na uli ako. Determinado kami ni Leann na mamuhay nang simple at walang utang, kaya bumili kami ng lumang trailer at doon kami tumira. Sa loob ng anim na taon, nagpalipat-lipat kami sa mga lugar na iminumungkahi sa amin ng organisasyon. At para masuportahan ang sarili namin, ginagawa namin kahit anong trabaho. Nangaral kami kasama ng maliliit na kongregasyon sa malalayong lugar ng Queensland. Madalas kaming tumigil sa mga liblib na lugar at magpulong sa mga kagubatan o sa isang local community hall. Napakasaya na namin. Pero naiisip namin, ‘May magagawa pa kaya kami para kay Jehova?’ Di-nagtagal, nasagot ang tanong namin.
Pulong sa kagubatan habang nangangaral sa liblib na lugar sa Australia
Inimbitahan kami ng organisasyon na maglingkod bilang mga misyonero sa ibang bansa. Pero pakiramdam namin, hindi kami kuwalipikado at hindi kami magiging mahusay na mga misyonero kasi hindi pa naman kami nakakapag-aral sa Gilead. Mahal namin ang ministeryo. Pero dahil wala kaming masyadong naging Bible study sa mga liblib na lugar na pinuntahan namin, para sa amin, hindi kami magiging mahusay na guro.
Sinabi namin ang mga ikinakabahala namin kay Brother Max Lloyd, miyembro ng Komite ng Sangay.a Tiniyak niya sa amin na kung magpapagamit kami kahit pakiramdam namin ay hindi kami kuwalipikado, tutulungan kami ni Jehova na magawa ang anumang atas na ibibigay niya sa amin. Dahil sa maibiging payong iyon, masaya naming tinanggap ang atas namin sa Sri Lanka.
Isang Mahirap na Atas
Noong 1999, dumating kami sa Colombo, ang capital ng Sri Lanka. Ibang-iba ang buhay rito kumpara sa payapang buhay namin sa probinsiya ng Australia. Dito, sobra ang dami ng tao, may gera sibil, kahirapan, at mga pulubi. Nakakalito rin ang mga wika nila. Pero may kayamanan din dito sa Sri Lanka—ang mga mahal nating kapatid pati na ang mga mapagpakumbabang tao na hindi pa nakakakilala kay Jehova.
Naatasan kami sa Kandy, isang magandang lunsod na nasa mataas na lugar. Napapalibutan ito ng taniman ng mga tsaa at mga kagubatan. Kilala ang lunsod na ito dahil maraming templo ng mga Buddhist dito. Iilang tao lang dito ang nakakaalam tungkol sa maibiging Maylalang. Sa kongregasyon namin, Sinhala at Tamil ang sinasalita ng mga kapatid. Kaya sa pulong, dalawang wika ang ginagamit. Napakahirap matutuhan ng wikang Sinhala. Pero pinapahalagahan ng kongregasyon at ng mga Bible study ang pagsisikap namin kahit pa nagkakamali kami at natatawa sila.
Pahayag sa Sri Lanka habang iniinterpret sa wikang Sinhala at Tamil
Ang totoo, hindi wika ang pinakamahirap para sa amin. Ngayon lang kami nakaranas ng marahas na pagsalansang sa katotohanan. Sa isang pagkakataon, dinumog kami ng galit na mga tao. Sinunog ng ilan ang mga publikasyon natin. Ako at ang isang brother ay pinagsisipa at binugbog ng ilan sa kanila. Sa mga oras na iyon, nanalangin kami kay Jehova na tulungan kaming maging kalmado at alalahanin niya kami kung mamatay man kami. Buti na lang, umalis din sila. Nanginginig kaming umalis sa lugar na iyon, pero nagpapasalamat kami kay Jehova dahil sa proteksiyon niya.
Itinuring naming tahanan ang Sri Lanka. Kahit may digmaan at nababahagi ang bansa, masaya kaming makita na tinutulungan ni Jehova ang mga tao na gustong-gustong matuto sa katotohanan at maging bahagi ng nagkakaisang pamilya niya. Marami kaming magandang alaala sa magandang islang ito. Pero pagkalipas ng dalawang taon, dahil sa impluwensiya ng mga lider ng relihiyon sa mga nasa awtoridad, kinailangang umalis ng bansa ang karamihan sa mga misyonero.
Nang sumunod na mga linggo, hindi namin alam kung ano ang mangyayari sa amin. Saan na kami pupunta? Inatasan kami ng Lupong Tagapamahala sa Papua New Guinea. Noong Setyembre 2001, dumating kami sa capital nito, ang Port Moresby.
Papua New Guinea—Isang Bansang May Pagkakasari-sari
Kahit kapitbahay lang ng Australia ang Papua New Guinea, ibang-iba ang buhay at kultura dito. Kaya kinailangan uli naming mag-adjust. Nag-aral kami ng Tok Pisin, ang pangunahing wika sa bansang ito na may mahigit na 800 wika!
Pagkatapos ng tatlong taon sa bayan ng Popondetta, inatasan kami sa gawaing pansirkito. Hindi namin naisip na gagamitin kami ni Jehova sa ganitong paraan! Pinapahalagahan ko ang gabay at pagtuturo, pati na ang pagiging mature ng mga naglalakbay na tagapangasiwa. Pero pakiramdam ko, hindi ako kuwalipikadong maglingkod sa mga kongregasyon sa atas na ito. Pagiging misyonero talaga ang gusto ko. Hindi talaga pumasok sa isip ko ang pagiging isang naglalakbay na tagapangasiwa. Hindi talaga ako makapaniwala na ibinigay sa akin ni Jehova ang pribilehiyong ito.
Pagbisita sa isang grupo sa West Sepik Province, Papua New Guinea
Paggawa ng mga report na ipapadala sa sangay pagkatapos bisitahin ang isang grupo sa Papua New Guinea
Sa mga bayan na pinupuntahan namin, may tubig, kuryente, at kama kaming natutulugan. Pero hindi ganiyan ang kalagayan sa mga probinsiya. Natutulog kami sa mga kubo, kalang de-kahoy ang ginagamit namin sa pagluluto, at naliligo sa mga ilog. Pero kung may mga buwaya, nag-iigib kami ng tubig at sa kubo na kami naliligo.
Mas kailangan naming maging malusog at malakas sa atas na ito. Pero kumbinsido kami na kung gagamitin namin ang ‘lakas na mayroon kami,’ pagpapalain kami ni Jehova. (Hukom 6:14) Marami sa kongregasyon at grupong dinadalaw namin, mahirap puntahan—may mga nasa kagubatan, bakawan, o kabundukan. Naglalakbay kami gamit ang four-wheel-drive, bangka, at eroplano. Madalas naglalakad din kami para puntahan ang mga kapatid.b
Hindi umatras si Leann sa anumang hamon sa pangangaral
Para marating ang isang kongregasyon na nasa border ng Indonesia, naglalakbay kami nang mahigit 350 kilometro. Karamihan ng mga daan ay hindi sementado. Mahigit 200 beses kaming tumatawid sa mga sapa at ilog, at iilan lang doon ang may tulay. Sa nakalipas na mga taon, nauubos ang maraming oras namin sa pagtutulak ng sasakyan na nalubog sa makakapal na putik. Ganoon ang ginagawa namin para marating ang mga kapatid na masayang naghintay at naghanda ng pagkain para sa amin.
Mahirap ang paglalakbay sa daan sa Papua New Guinea!
Kapag naglalakbay kami gamit ang maliit na eroplano papunta sa taas ng bundok, madalas na kailangang hanapin ng piloto ang lalapagan niya dahil sa makakapal na ulap. Pagkatapos kapag nakita na niya, lilipad muna siya nang mababa para makita kung may mga bata o hayop doon. Tsaka namin ihahanda ang aming sarili sa paglapag ng eroplano sa isang maputik, bako-bako, at delikadong lugar sa tuktok ng bundok na may taas na mahigit 2,100 metro. Kung minsan, kapag uuwi na kami, maikli lang ang runway na dadaanan ng eroplano at malapit na ito sa bangin, kaya kailangan nitong maka-take off agad.c
Minsan, inaakyat namin ang matatarik na bundok o dumadaan sa mga bakawan kahit napakainit. Bitbit namin ang mga backpack namin na puno ng literatura at mga kailangan namin. Dahil kasama namin ang tapat na mga kapatid, masaya pa rin ang paglalakbay namin at nagpapatibayan kami sa isa’t isa.
Paglalakbay sa Keram River, Papua New Guinea papunta sa teritoryo
Totoong-totoo sa amin ang mga salita ni apostol Pablo sa 1 Tesalonica 2:8: “Mahal na mahal namin kayo, kaya gustong-gusto naming ibahagi sa inyo . . . ang sarili namin, dahil napamahal na kayo sa amin.” Alam naming ganiyan din ang nararamdaman ng mga kapatid sa amin. Handa pa nga silang mamatay para maprotektahan kami mula sa mga kriminal. Minsan, isang lalaking may hawak na itak ang gustong manakit kay Leann. Hindi ko siya matulungan kasi nasa ibang lugar ako. Isang brother ang agad na tumulong sa kaniya. ’Buti na lang kaunti lang ang naging sugat ng brother na iyon kasi natulungan agad sila ng iba at naawat ang galít na lalaki. Pagulo nang pagulo ang bansang ito, pero tinutulungan kami ni Jehova araw-araw para maalagaan sa espirituwal ang mga kapatid.
Medyo mahirap ang pagpapagamot sa Papua New Guinea kasi limitado lang ang mga ospital. Noong 2010, muntik nang mamatay si Leann dahil sa impeksiyon. Kaya umuwi kami ng Australia para makapagpagamot siya agad. Sa tulong ni Jehova, nanatili kaming kalmado. ’Buti na lang, nakakita ng tamang gamot ang mga doktor. Sabi ng isa sa kanila: “Naglilingkod kayo sa Diyos. Kaya tinutulungan niya kayo.” Paglipas ng ilang buwan, bumalik kami sa atas namin.
Maraming Gawain Pagbalik sa Australia
Nang sumunod na mga taon, nagpabalik-balik kami sa Australia para sa pagpapagamot ni Leann. Pagkatapos, noong 2012, sinabihan kami ng sangay na manatili na doon para maalagaan ang kalusugan namin. Dahil maraming taon na kaming wala sa Australia, ang pinakamahirap para sa amin ay hindi ang pisikal naming kalusugan, kundi ang mental at emosyonal na kalagayan. Napakalungkot iwanan ang atas namin at ang espirituwal na pamilya na napamahal na sa amin. Pakiramdam namin, bigo kami at na hindi na kami magagamit ni Jehova. Dahil matagal kaming wala dito, ang hirap ituring na tahanan namin ang Australia. Kailangang-kailangan namin ngayon ang suporta ng mga kapatid.
Nang gumanda na ang kalusugan ni Leann, naglingkod kami bilang mga special pioneer sa Wollongong, sa timog ng Sydney, New South Wales. Paglipas ng mga isang taon, hindi namin inaasahang maimbitahang mag-aral sa Bible School for Christian Couples (tinatawag ngayong School for Kingdom Evangelizers). Pagkatapos, inatasan kami ng sangay sa Australasia sa gawaing pansirkito. Maraming taon kaming dumalaw sa mga kongregasyon at grupo na nasa mga mataong lunsod, mga bayan na nasa disyerto, at mga nayon sa tabi ng katubigan. Sa ngayon, ang atas namin ay sa mainit na bahagi ng northwest ng Australia at ang buong Timor-Leste.
Pangangaral sa Timor-Leste
Binigyan ako ni Jehova ng napakagandang regalo—ang asawa ko na pinaka-supportive at may-gulang sa espirituwal. Wala na akong mahihiling pa. Kahit kailan, hindi tumanggi si Leann sa anumang atas, gaano man iyon kahirap. Nang tanungin siya kung paano niya nakakayanan ang mga problema, sinabi niya, “Sinasabi ko kay Jehova ang lahat ng nasa isip ko.” Pagkatapos, habang binabasa niya ang Bibliya, pinag-iisipan niya kung paano siya ginagabayan ni Jehova. Nakikita niya kung paano siya dapat mag-isip o kumilos, o kung ano ang dapat niyang maramdaman.
Mas pinili kong magpagabay kay Jehova kaysa sa career sa sports. At hindi ko iyon pinagsisisihan. Nakita ko na kaya tayong tulungan ni Jehova para magawa ang kalooban niya basta handa tayong magpagamit sa kaniya. Natutuhan ko na kailangang humingi ng karunungan at banal na espiritu araw-araw, lalo na kapag may mga problema at kailangang gawing desisyon. Napakaganda ng buhay na ibinigay sa amin ng maibiging Ama, si Jehova. At gusto naming makita kung paano pa niya gagamitin ang “mga sisidlang luwad” na gaya namin.—2 Corinto 4:7.
a Mababasa ang kuwento ng buhay ni Max Lloyd sa Hulyo 15, 2012, isyu ng Bantayan, pahina 17-21.
b Para sa higit pang impormasyon tungkol sa mga dinalaw naming sirkito gamit ang bangka, tingnan ang 2011 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova, pahina 130-134.
c Tingnan ang artikulong “Bahura ng Korales sa Ulap” sa Marso 1, 2010, isyu ng Bantayan, pahina 16-17.