-
Mga Study Note sa Mateo—Kabanata 5Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
nagdadalamhati: Ang terminong Griego para dito (pen·theʹo) ay tumutukoy sa matinding pagdadalamhati sa anumang kadahilanan o sa panlulumo dahil sa nagawang kasalanan. Sa kontekstong ito, “ang mga nagdadalamhati” ay ang tinutukoy din sa Mat 5:3 na “nakauunawa na kailangan nila ang Diyos.” Posibleng ipinagdadalamhati nila ang kanilang pagiging dukha sa espirituwal, ang pagiging makasalanan, o ang napakahirap na mga kalagayan na resulta ng kasalanan ng tao. Ginamit ni Pablo ang salitang ito para pagsabihan ang kongregasyon sa Corinto dahil hindi nila ipinagdalamhati ang nakapandidiring seksuwal na imoralidad na nangyari sa gitna nila. (1Co 5:2) Sa 2Co 12:21, sinabi ni Pablo na natatakot siya dahil baka ‘kailanganin niyang magdalamhati’ para sa mga nasa kongregasyon sa Corinto na nagkasala pero hindi nagsisisi. Sinabi rin ng alagad na si Santiago: “Linisin ninyo ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan, at linisin ninyo ang puso ninyo, kayong mga hindi makapagpasiya. Hayaan ninyong malungkot kayo, magdalamhati, at humagulgol.” (San 4:8-10) Ang mga tunay na nalulungkot dahil sa kanilang pagiging makasalanan ay maaaliw kapag nalaman nilang puwedeng mapatawad ang kanilang kasalanan kung mananampalataya sila sa haing pantubos ni Kristo at ipapakita nila ang tunay na pagsisisi sa pamamagitan ng paggawa ng kalooban ni Jehova.—Ju 3:16; 2Co 7:9, 10.
-