-
Mga Study Note sa Mateo—Kabanata 13Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
anak ng karpintero: Ang salitang Griego na teʹkton, na isinaling “karpintero,” ay terminong karaniwang ginagamit para sa mga artisano o tagapagtayo. Kapag tumutukoy ito sa manggagawa na gumagamit ng kahoy, puwede itong tumukoy sa tagapagtayo, sa gumagawa ng muwebles, o sa gumagawa ng iba pang kagamitang kahoy. Isinulat ni Justin Martyr, na nabuhay noong ikalawang siglo C.E., na si Jesus ay nagtrabaho “bilang isang karpintero . . . na gumagawa ng mga araro at pamatok.” Sinusuportahan din ng unang mga salin ng Bibliya sa sinaunang mga wika ang ideyang ito. Kilala si Jesus bilang “anak ng karpintero” at “ang karpintero.” (Mar 6:3) Maliwanag na natuto si Jesus ng pagkakarpintero sa kaniyang ama-amahang si Jose. Karaniwang nagsisimula ang pagsasanay na iyon sa edad na 12 hanggang 15 at nagpapatuloy ito nang maraming taon.
kapatid: Ang salitang Griego na a·del·phosʹ ay puwedeng tumukoy sa espirituwal na mga kapatid kapag ginamit sa Bibliya, pero dito, ang tinutukoy ay ang mga kapatid ni Jesus sa ina, mga nakababatang anak nina Jose at Maria. Ang mga naniniwalang nanatiling birhen si Maria pagkapanganak nito kay Jesus ay nagsasabing ang a·del·phosʹ ay tumutukoy sa mga pinsan. Pero ibang termino ang ginamit ng Kristiyanong Griegong Kasulatan para sa “pinsan” (sa Griego, a·ne·psi·osʹ sa Col 4:10) at iba sa “pamangking lalaki ni Pablo” (Gaw 23:16). Sa Luc 21:16 naman, ginamit ang anyong pangmaramihan ng mga salitang Griego na a·del·phosʹ at syg·ge·nesʹ (isinaling “mga . . . kapatid, kamag-anak”). Ipinapakita ng mga halimbawang ito na ang mga termino para sa ugnayang pampamilya ay hindi basta pinagpapalit-palit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.
Santiago: Kapatid ni Jesus sa ina; maliwanag na siya rin ang Santiago na binanggit sa Gaw 12:17 (tingnan ang study note) at Gal 1:19 at ang sumulat ng aklat ng Bibliya na Santiago.—San 1:1.
Hudas: Kapatid ni Jesus sa ina; maliwanag na siya rin ang Judas (sa Griego, I·ouʹdas) na sumulat ng aklat ng Bibliya na Judas.—Jud 1.
-