-
Mga Study Note sa Mateo—Kabanata 14Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Inaresto . . . si Juan at . . . ipinabilanggo: Hindi sinasabi ng Bibliya kung saan ito nangyari. Sinasabi ni Josephus na ibinilanggo at pinatay si Juan sa tanggulan ng Machaerus, na nasa silangang panig ng Dagat na Patay. (Jewish Antiquities, Book 18, kab. 5, par. 2 [Loeb 18.119]) Posibleng naibilanggo doon si Juan nang ilang panahon. (Mat 4:12) Pero malamang na noong patayin siya, nakabilanggo na siya sa Tiberias, isang lunsod sa kanlurang baybayin ng Lawa ng Galilea. Ito ang mga basehan ng konklusyong ito: (1) Lumilitaw na nakabilanggo si Juan malapit sa lugar kung saan nangangaral si Jesus sa Galilea, dahil nabalitaan ni Juan ang mga ginagawa ni Jesus at mula sa bilangguan ay nakapagsugo siya ng mga alagad niya para makipag-usap kay Jesus. (Mat 11:1-3) (2) Sinabi ni Marcos na dumalo sa kaarawan ni Herodes “ang pinakaprominenteng mga lalaki sa Galilea,” na nagpapakitang ginanap ito sa bahay ni Herodes sa Tiberias. Maliwanag na nakabilanggo si Juan malapit sa lugar na pinagdausan ng pagdiriwang.—Mar 6:21-29; Mat 14:6-11.
Herodes: Si Herodes Antipas.—Tingnan sa Glosari.
Herodias, na asawa ng kapatid niyang si Felipe: Nahumaling si Herodes Antipas kay Herodias, na asawa ni Herodes Felipe, ang kapatid niya sa ama. Diniborsiyo ni Herodias si Felipe, diniborsiyo naman ni Antipas ang asawa niya, at nagpakasal silang dalawa. Inaresto si Juan Bautista sa pagkondena niya sa imoral na pagsasamang ito dahil labag ito sa kautusang Judio.
-