-
Mga Study Note sa Mateo—Kabanata 26Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Nang unang araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa: Ang Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa ay nagsisimula nang Nisan 15, ang araw pagkatapos ng Paskuwa (Nisan 14), at umaabot ito nang pitong araw. (Tingnan ang Ap. B15.) Pero noong panahon ni Jesus, masyado nang napag-ugnay ang Paskuwa at ang kapistahang ito kaya ang buong walong araw, kasama na ang Nisan 14, ay tinutukoy kung minsan na “Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa.” (Luc 22:1) Sa kontekstong ito, ang pariralang “Nang unang araw ng” ay puwedeng isaling “Sa araw bago ang.” (Ihambing ang Ju 1:15, 30, kung saan ang salitang Griego para sa “una” [proʹtos] ay ginamit para sabihing “umiral muna” si Jesus bago si Juan.) Kaya kung pagbabatayan ang orihinal na Griego at ang nakasanayan ng mga Judio, masasabing Nisan 13 noon nang tanungin si Jesus ng mga alagad niya. Bago matapos ang Nisan 13, naghanda ang mga alagad para sa Paskuwa, na ipinagdiwang nila “pagsapit ng gabi,” ang pasimula ng Nisan 14.—Mar 14:16, 17.
-