-
MateoTulong sa Pag-aaral ng mga Saksi ni Jehova—2019 Edisyon
-
Mga Study Note sa Mateo—Kabanata 28Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
gumawa ng mga alagad: O “gumawa ng mga estudyante.” Ang pandiwang Griego na ma·the·teuʹo ay pangunahin nang nangangahulugang “magturo” para makagawa ng mga estudyante o alagad. Sa Mat 13:52, isinalin itong “naturuan,” at sa Mat 27:57, isinalin itong “naging alagad.” Sa Gaw 14:21, ginamit ang pananalitang ito para sabihing marami ang natulungan nina Pablo at Bernabe sa Derbe “na maging alagad.” Ipinapakita ng mga pandiwang “binabautismuhan” at “itinuturo” sa kontekstong ito kung ano ang kailangan sa ‘paggawa ng mga alagad.’—Para sa pagtalakay sa kaugnay na pangngalang Griego na ma·the·tesʹ, tingnan ang study note sa Mat 5:1.
mga tao ng lahat ng bansa: Ang literal na salin nito ay “lahat ng bansa,” pero ipinapakita ng konteksto na ang terminong ito ay tumutukoy sa mga indibidwal mula sa lahat ng bansa, dahil ang panghalip na Griego para sa “sila” sa pananalitang binabautismuhan sila ay nasa kasariang panlalaki at tumutukoy sa mga tao, hindi sa mga “bansa,” na walang kasarian sa Griego. Ang utos na ito na puntahan ang “mga tao ng lahat ng bansa” ay bago. Bago ang ministeryo ni Jesus, makikita sa Kasulatan na ang mga Gentil ay tinatanggap sa Israel kung lalapit sila para maglingkod kay Jehova. (1Ha 8:41-43) Pero sa utos na ito, inatasan ni Jesus ang mga alagad niya na mangaral sa lahat ng tao, hindi lang sa mga Judio. Kaya naidiin nito na pambuong-daigdig ang paggawa ng mga alagad ng mga Kristiyano.—Mat 10:1, 5-7; Apo 7:9; tingnan ang study note sa Mat 24:14.
sa pangalan ng: Ang terminong Griego para sa “pangalan” (oʹno·ma) ay hindi lang tumutukoy sa personal na pangalan. Sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa pagkilala sa awtoridad at posisyon ng Ama at ng Anak, pati na sa papel ng banal na espiritu. Sa paggawa nito, nagkakaroon ang isa ng bagong kaugnayan sa Diyos.—Ihambing ang study note sa Mat 10:41.
Ama . . . Anak . . . banal na espiritu: Natural lang na kilalanin natin ang Ama, ang Diyos na Jehova, dahil siya ang ating Maylalang at Tagapagbigay-Buhay. (Aw 36:7, 9; Apo 4:11) Pero sinasabi rin ng Bibliya na hindi makakaligtas ang isang tao kung hindi niya kikilalanin ang papel ng Anak sa layunin ng Diyos. (Ju 14:6; Gaw 4:12) Mahalaga ring kilalanin ang papel ng banal na espiritu ng Diyos dahil ginagamit ng Diyos ang aktibong puwersa niya para magbigay ng buhay (Job 33:4), iparating sa mga tao ang mensahe niya (2Pe 1:21), palakasin sila na gawin ang kalooban niya (Ro 15:19), at iba pa. Iniisip ng ilan na ang magkakasamang pagbanggit sa Ama, Anak, at banal na espiritu ay sumusuporta sa doktrina ng Trinidad, pero hindi kailanman itinuro ng Bibliya na ang tatlong ito ay pantay-pantay sa haba ng pag-iral, kapangyarihan, at posisyon. Ang magkakasamang pagbanggit sa mga ito sa iisang talata ay hindi nagpapatunay na ang tatlong ito ay Diyos, magkakasinghaba ang pag-iral, at magkakapantay.—Mar 13:32; Col 1:15; 1Ti 5:21.
banal na espiritu: O “banal na aktibong puwersa.” Ang terminong “espiritu” (walang kasarian sa Griego) ay tumutukoy, hindi sa isang indibidwal, kundi sa puwersa na ginagamit ng Diyos at nagmumula sa kaniya.—Tingnan sa Glosari, “Banal na espiritu”; “Ruach; Pneuma.”
-