-
Mga Study Note sa Marcos—Kabanata 1Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
pagkaahon na pagkaahon: Ang una sa 11 paglitaw ng salitang Griego na eu·thysʹ sa Marcos kabanata 1. (Mar 1:10, 12, 18, 20, 21, 23, 28, 29, 30, 42, 43) Isinalin din ang terminong Griego na “agad.” Naging buhay na buhay ang ulat ni Marcos dahil sa madalas na paggamit niya ng terminong ito—mahigit 40 beses sa Ebanghelyo niya.
niya: Maliwanag na tumutukoy kay Jesus. Gaya ng mababasa sa Ju 1:32, 33, nakita rin ito ni Juan Bautista, pero lumilitaw na nakapokus ang ulat ni Marcos sa nakita ni Jesus.
langit: Tingnan ang study note sa Mat 3:16.
langit na nahahawi: Lumilitaw na ipinaunawa ng Diyos kay Jesus ang mga bagay na nasa langit at ibinalik ang memorya niya noong nasa langit pa siya. Ang mga sinabi ni Jesus pagkatapos ng bautismo niya, partikular na ang napakapersonal na panalangin niya noong gabi ng Paskuwa ng 33 C.E., ay nagpapakitang alam na niya nang pagkakataong iyon ang buhay niya sa langit bago siya maging tao. Makikita rin sa panalanging iyon na naalala niya ang mga narinig niyang sinabi ng kaniyang Ama at nakita niyang ginawa Niya, pati ang kaluwalhatian niya noon sa langit. (Ju 6:46; 7:28, 29; 8:26, 28, 38; 14:2; 17:5) Posibleng naalala niya ang mga iyon noong bautismuhan siya at pahiran.
parang kalapati: Ang mga kalapati ay ginagamit noon sa pagsamba at may makasagisag na kahulugan. Ginagamit ang mga ito sa paghahandog. (Mar 11:15; Ju 2:14-16) Sumasagisag ang mga ito sa pagiging tapat at dalisay. (Mat 10:16) Ang kalapating pinalipad ni Noe ay bumalik sa arka na may tukang dahon ng olibo, na nagpapakitang medyo humupa na ang baha (Gen 8:11) at malapit na ang panahon ng kapahingahan at kapayapaan (Gen 5:29). Kaya noong bautismuhan si Jesus, posibleng ginamit ni Jehova ang kalapati para ipakita ang papel ni Jesus bilang ang Mesiyas, ang dalisay at di-nagkakasalang Anak ng Diyos na maghahandog ng sarili niya para sa sangkatauhan na siyang magbibigay-daan sa panahon ng kapahingahan at kapayapaan habang namamahala siya bilang Hari. Habang bumababa ang espiritu ng Diyos, o aktibong puwersa niya, posibleng mukha itong kalapati na papunta sa dadapuan nito.
bumababa: O “pumapasok.”
-