-
Mga Study Note sa Marcos—Kabanata 2Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Sa ulat tungkol sa: Ang Griegong pang-ukol na e·piʹ na ginamit dito ay puwedeng tumukoy sa panahon o lokasyon, gaya ng isang bahagi ng Kasulatan. Para sa karamihan ng tagapagsalin, nangangahulugan itong “noong (si Abiatar ay . . . ).” Pero kung isasaalang-alang ang mismong pangyayaring binanggit ni Jesus (1Sa 21:1-6), makatuwirang isipin na ang Griegong pang-ukol ay tumutukoy sa lokasyon, o sa isang bahagi ng Kasulatan, gaya ng paliwanag ng study note sa punong saserdoteng si Abiatar sa tekstong ito. Makikita rin ang katulad na pananalitang Griego sa Mar 12:26 at Luc 20:37, kung saan ginamit ng maraming salin ang pariralang “sa ulat tungkol sa.”
punong saserdoteng si Abiatar: Ang salitang Griego na ginamit dito ay puwedeng isaling “mataas na saserdote” o “punong saserdote.” Mas tamang gamitin kay Abiatar ang ikalawang salin, dahil ang ama niyang si Ahimelec ang mataas na saserdote sa pangyayaring binabanggit ni Jesus. (1Sa 21:1-6) Unang binanggit si Abiatar pagkatapos pumasok ni David sa bahay ng Diyos at kainin ang tinapay na pantanghal. Lumilitaw na bilang anak ng mataas na saserdoteng si Ahimelec, si Abiatar ay isa nang prominenteng saserdote, o punong saserdote, noong panahong iyon. Si Abiatar lang ang anak na lalaki ni Ahimelec na nakaligtas sa pagpatay ni Doeg na Edomita. (1Sa 22:18-20) Maliwanag na naging mataas na saserdote siya noong hari na si David. Kahit na ang saling gamitin ay “mataas na saserdote,” ang pananalitang Griego na isinaling “sa ulat tungkol sa” ay may malawak na ibig sabihin at puwedeng tumukoy sa mas malaking bahagi ng Kasulatan, mula 1 Samuel kabanata 21 hanggang 23, kung saan ilang ulit na binanggit si Abiatar, na nang maglaon ay naging kilaláng mataas na saserdote. Pabor ang ilang Griegong iskolar sa saling “noong panahon ng mataas na saserdoteng si Abiatar,” na puwede ring tumukoy sa kabuoang panahon, kasama na ang panahon nang maging mataas na saserdote si Abiatar. Anuman ang paliwanag, makakasiguro tayong kaayon ng kasaysayan ang sinabi ni Jesus.
bahay ng Diyos: Tumutukoy sa tabernakulo. Nangyari ang ulat na tinutukoy ni Jesus (1Sa 21:1-6) noong ang tabernakulo ay nasa Nob, isang bayan na lumilitaw na nasa teritoryo ng Benjamin at malapit sa Jerusalem.—Tingnan ang Ap. B7 (isiningit na mapa).
tinapay na panghandog: Tingnan ang study note sa Mat 12:4 at Glosari, “Tinapay na pantanghal.”
-