-
Mga Study Note sa Marcos—Kabanata 5Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Anak: Ang terminong Griego na ginamit dito ay tumutukoy sa isang anak na babae, at sa kaniya lang ginamit ni Jesus ang terminong ito, posibleng dahil maselan ang kalagayan niya at “nanginginig” siya. (Mar 5:33; Luc 8:47) Wala itong ipinapahiwatig tungkol sa edad ng babae, pero sa paggamit ng ganitong termino, naipakita ni Jesus ang malasakit niya sa babae.
Umuwi ka na at huwag nang mag-alala: Lit., “Umalis kang payapa.” Madalas gamitin ang idyomang ito sa Griego at Hebreong Kasulatan, at nangangahulugan itong “Maging maayos sana ang lagay mo.” (Luc 7:50; 8:48; San 2:16; ihambing ang 1Sa 1:17; 20:42; 25:35; 29:7; 2Sa 15:9; 2Ha 5:19.) Malawak ang kahulugan ng salitang Hebreo na madalas isaling “kapayapaan” (sha·lohmʹ). Tumutukoy ito sa pagiging malaya sa digmaan o kaguluhan (Huk 4:17; 1Sa 7:14; Ec 3:8), at puwede rin itong tumukoy sa kalusugan, kaligtasan, maayos na kalagayan (1Sa 25:6; 2Cr 15:5, tlb.; Job 5:24, tlb.), kapakanan (Es 10:3, tlb.), at pagkakaibigan (Aw 41:9). Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang Griego para sa “kapayapaan” (ei·reʹne) ay kasinlawak ng kahulugan ng salitang Hebreo at puwede ring tumukoy sa maayos na kalagayan, kaligtasan, at pagkakaisa, bukod pa sa mapayapang kaugnayan sa iba.
sakit na nagpapahirap sa iyo: Lit., “humahagupit sa iyo.” Ang salitang ito ay literal na tumutukoy sa isang klase ng paghagupit na kadalasang ginagamit para magpahirap. (Gaw 22:24; Heb 11:36) Pero dito, ginamit ito sa makasagisag na paraan para ilarawan kung gaano kahirap ang pinagdaraanan ng babae dahil sa sakit niya.
-