-
Mga Study Note sa Marcos—Kabanata 6Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Nagtaka siya na wala silang pananampalataya: O “Nagulat siya na wala silang pananampalataya.” Si Marcos lang ang manunulat ng Ebanghelyo na bumanggit kung gaano kadismayado si Jesus sa “sarili niyang bayan” dahil hindi sila naniwala sa kaniya. (Mat 13:57, 58; tingnan din ang “Introduksiyon sa Marcos.”) Ang pandiwang Griego na isinaling “nagtaka” ay madalas isaling “namangha” para ilarawan ang reaksiyon ng mga tao sa mga himala at turo ni Jesus (Mar 5:20; 15:5), pero may dalawang pagkakataon na ginamit ito para ilarawan ang reaksiyon ni Jesus. Namangha siya sa laki ng pananampalataya ng isang opisyal ng hukbo (Mat 8:10; Luc 7:9), at nagtaka naman siya at nadismaya sa kawalan ng pananampalataya ng mga taga-Nazaret.
nilibot niya ang mga nayon sa lugar na iyon: Ito ang simula ng ikatlong paglalakbay ni Jesus para magturo sa Galilea. (Mat 9:35; Luc 9:1) Ang ekspresyong “nilibot” ay posibleng nagpapahiwatig na sinuyod niya ang lugar, at ayon sa ilan, bumalik pa siya sa lugar kung saan siya nagsimulang magturo. Ang pagtuturo ay isang mahalagang bahagi ng ministeryo ni Jesus.—Tingnan ang study note sa Mat 4:23.
-