-
Mga Study Note sa Marcos—Kabanata 12Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Jehova: Sa pagsiping ito sa Deu 6:5, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.—Tingnan ang Ap. C.
puso: Kapag ginagamit sa makasagisag na diwa, ang terminong ito ay karaniwang tumutukoy sa buong panloob na pagkatao. Pero kapag binabanggit kasama ng “kaluluwa” at “pag-iisip,” nagiging mas espesipiko ang kahulugan nito at pangunahin nang tumutukoy sa emosyon, kagustuhan, at damdamin ng isang tao. May pagkakapareho sa kahulugan ang apat na terminong ito (puso, kaluluwa, pag-iisip, at lakas); ang paggamit sa mga ito nang sama-sama ang pinakamapuwersang paraan para idiin na kailangang ibigin ang Diyos nang buong-buo.—Tingnan ang study note sa pag-iisip at lakas sa talatang ito.
kaluluwa: Tingnan ang study note sa Mat 22:37.
pag-iisip: Tumutukoy sa kakayahang mag-isip. Dapat gamitin ng isang tao ang kakayahan niyang mag-isip para makilala ang Diyos at mahalin Siya. (Ju 17:3; Ro 12:1) Sa Deu 6:5, na sinipi rito, ang orihinal na tekstong Hebreo ay gumamit ng tatlong termino, ‘puso, kaluluwa, at lakas.’ Pero sa ulat ni Marcos, na isinulat sa Griego, apat na konsepto ang binanggit, puso, kaluluwa, pag-iisip, at lakas. May ilang posibleng dahilan sa pagkakaibang ito. Ang salitang “pag-iisip” ay posibleng idinagdag para makumpleto sa Griego ang kahulugan ng mga konsepto sa wikang Hebreo. Walang espesipikong salita sa sinaunang Hebreo para sa “pag-iisip,” pero ang kahulugan nito ay karaniwan nang saklaw ng salitang Hebreo para sa “puso,” na puwedeng tumukoy sa buong panloob na pagkatao ng isa, kasama ang iniisip, nadarama, saloobin, at motibo niya. (Deu 29:4; Aw 26:2; 64:6; tingnan ang study note sa puso sa talatang ito.) Dahil dito, kapag ginagamit ang salitang Hebreo para sa “puso,” madalas na itinutumbas dito ng Griegong Septuagint ang salitang Griego para sa “pag-iisip.” (Gen 8:21; 17:17; Kaw 2:10; Isa 14:13) Posibleng ipinapakita rin ng paggamit ni Marcos sa salitang pag-iisip na may pagkakapareho sa kahulugan ang terminong Hebreo para sa “lakas” at ang terminong Griego para sa “pag-iisip.” (Ihambing ang pananalita sa Mat 22:37, na gumamit ng “pag-iisip” sa halip na “lakas.”) Ang pagkakapareho sa kahulugan ng mga terminong ito ay isang posibleng dahilan kung bakit “pag-iisip” ang isinagot ng eskriba sa tanong ni Jesus. (Mar 12:33) Makakatulong din ito para maintindihan natin kung bakit magkakaiba ang pananalitang ginamit ng mga manunulat ng Ebanghelyo nang sipiin nila ang Deu 6:5.—Tingnan ang study note sa lakas sa talatang ito at study note sa Mat 22:37; Luc 10:27.
lakas: Sa Deu 6:5 na sinipi sa talatang ito, tatlong termino ang ginamit sa orihinal na tekstong Hebreo, ‘puso, kaluluwa, at lakas,’ gaya ng binanggit sa study note sa pag-iisip. Ang salitang Hebreo para sa “lakas” ay puwedeng tumukoy sa pisikal na lakas at kakayahang mag-isip. Posibleng isa rin ito sa mga dahilan kung bakit idinadagdag ang konsepto ng “pag-iisip” kapag sinisipi ang tekstong ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Makakatulong din ito para maintindihan kung bakit ang ginamit ng Mat 22:37 sa pagsipi sa Deuteronomio ay “pag-iisip” sa halip na “lakas.” Anuman ang dahilan, nang sipiin ng isang eskriba (ayon sa ulat ni Lucas [10:27] na isinulat sa Griego) ang tekstong iyon, apat na konsepto ang binanggit niya: puso, kaluluwa, lakas, at pag-iisip. Maliwanag na ipinapakita nito na noong panahon ni Jesus, tinatanggap ng mga tao na ang apat na konseptong ito sa Griego ang katumbas ng tatlong salitang Hebreo sa tekstong sinipi.
-