-
Mga Study Note sa Marcos—Kabanata 14Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Abba: Transliterasyon sa Griego ng salitang Hebreo o Aramaiko na tatlong beses lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. (Ro 8:15; Gal 4:6) Literal itong nangangahulugang “ang ama” o “O Ama.” May lambing ito gaya ng salitang Ingles na “papa” at dignidad na gaya ng salitang “ama”—di-pormal pero magalang pa rin. Isa ito sa mga unang salita na natututuhan ng mga bata; pero sa sinaunang mga akdang Hebreo at Aramaiko, ginagamit din ito ng isang adultong anak kapag nakikipag-usap sa ama niya. Kaya hindi ito isang titulo kundi isang magiliw na tawag sa ama. Ang paggamit ni Jesus ng ekspresyong ito ay nagpapakitang talagang malapít siya at nagtitiwala sa kaniyang Ama.
Ama: Ang lahat ng tatlong paglitaw ng Abba ay sinusundan ng saling ho pa·terʹ sa Griego, na literal na nangangahulugang “ang ama” o “O Ama.”
alisin mo sa akin ang kopang ito: Sa Bibliya, ang “kopa” ay sumasagisag sa kalooban ng Diyos, o “nakalaang bahagi,” para sa isang tao. (Tingnan ang study note sa Mat 20:22.) Talagang nababahala si Jesus na masiraang-puri ang Diyos dahil sa kamatayan niya bilang isa na inakusahan ng pamumusong at sedisyon, kaya hiniling niya sa panalangin na alisin sa kaniya ang “kopang ito.”
-