-
Mga Study Note sa Lucas—Kabanata 3Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Caifas at . . . punong saserdoteng si Anas: Nang banggitin ni Lucas ang pasimula ng ministeryo ni Juan Bautista, sinabi niyang naglilingkod noong panahong iyon bilang mga saserdoteng Judio ang dalawang prominenteng lalaki. Si Anas ay itinalagang mataas na saserdote noong mga 6 o 7 C.E. ng Romanong gobernador ng Sirya na si Quirinio, at naglingkod siya hanggang mga 15 C.E. Kahit noong inalis na ng mga Romano si Anas bilang mataas na saserdote, lumilitaw na naging makapangyarihan at maimpluwensiya pa rin siya dahil sa pagiging mataas na saserdote niya noon at pinapakinggan pa rin siya ng mga prominenteng Judio. Lima sa mga anak niyang lalaki ang naglingkod bilang mataas na saserdote, at ang manugang niyang si Caifas ay naging mataas na saserdote mula mga 18 C.E. hanggang mga 36 C.E. Kaya kahit si Caifas na ang mataas na saserdote noong 29 C.E., puwede pa ring tawagin si Anas na ‘punong saserdote’ dahil sa prominenteng posisyon niya.—Ju 18:13, 24; Gaw 4:6.
Juan: Sa ulat lang ni Lucas ipinakilala si Juan bilang anak ni Zacarias. (Tingnan ang study note sa Luc 1:5.) Si Lucas lang din ang nagsabi na si Juan ay tumanggap ng mensahe mula sa Diyos; katulad ito ng pananalita sa Septuagint may kinalaman sa propetang si Elias (1Ha 17:2; 21:28 [20:28, LXX]), na inihahalintulad kay Juan. (Mat 11:14; 17:10-13) Sinasabi ng mga Ebanghelyo nina Mateo, Marcos, at Lucas na nasa ilang si Juan, pero si Mateo lang ang espesipikong bumanggit na ito ay “ilang ng Judea,” na nasa silangang dalisdis ng kabundukan ng Judea at ang kalakhang bahagi ay di-tinitirhan at kalbo. Ito ay mga 1,200 m (3,900 ft) palusong sa kanlurang pampang ng Ilog Jordan at Dagat na Patay.—Tingnan ang study note sa Mat 3:1.
-