-
Mga Study Note sa Lucas—Kabanata 3Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
mga naglilingkod sa militar: Lumilitaw na sila ay mga sundalong Judio na rumoronda para mangolekta ng buwis. Ang mga sundalong Judio ay may pakikipagtipan sa Diyos na Jehova. Kung gusto nilang magpabautismo bilang sagisag ng pagsisisi, kailangan nilang baguhin ang kanilang paggawi at tumigil na sa pangingikil at paggawa ng ibang krimen na karaniwan sa mga sundalo.—Mat 3:8.
mag-akusa ng di-totoo: Ang terminong Griego na isinaling “mag-akusa ng di-totoo” (sy·ko·phan·teʹo) na ginamit dito ay isinaling “kinikil” o “kinikil . . . sa pamamagitan ng di-totoong akusasyon” sa Luc 19:8. (Tingnan ang study note sa Luc 19:8.) Sinasabing ang literal na kahulugan ng pandiwang ito ay “kunin sa pamamagitan ng pagpapakita ng igos.” Iba-iba ang paliwanag sa pinagmulan ng salitang ito. Ito ang isa: Sa Atenas noon, ipinagbabawal ang pagluluwas ng igos. Kaya kapag pinagbibintangan ng isang tao ang kapuwa niya na nagtatangkang magluwas ng igos, tinatawag siyang “tagapagpakita ng igos.” Nang maglaon, ginamit na ang terminong ito para tumukoy sa nag-aakusa sa iba ng di-totoo para sa pakinabang, o blackmailer.
suweldo: O “probisyon; kabayaran.” Ginamit dito ang isang terminong panghukbo na tumutukoy sa suweldo ng isang sundalo. Noong una, kasama sa kabayaran ng mga sundalo ang pagkain at iba pang probisyon. Ang mga sundalong Judio na lumapit kay Juan ay posibleng mga sundalong rumoronda, partikular na para maningil ng buwis. Posibleng ibinigay ni Juan ang payong ito dahil mababa ang suweldo ng karamihan sa mga sundalo, at lumilitaw na nagiging dahilan ito para abusuhin ng mga sundalo ang kapangyarihan nila at madagdagan ang kinikita nila. Ginamit din ang terminong ito sa ekspresyon na “sarili niyang gastos” sa 1Co 9:7, kung saan sinasabi ni Pablo ang kabayaran na nararapat sa isang ‘sundalong’ Kristiyano.
-