-
Lucas 5:19Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
-
-
19 Pero nahihirapan silang maipasok siya dahil sa dami ng tao, kaya umakyat sila sa bubong, inalis ang mga tisa nito, at ibinaba ang higaan ng lalaki sa gitna ng mga tao, sa harap ni Jesus.
-
-
Mga Study Note sa Lucas—Kabanata 5Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
inalis ang mga tisa nito, at ibinaba ang higaan ng lalaki: Ang ulat tungkol sa pagpapagaling ni Jesus sa isang lalaking paralitiko ay mababasa sa mga Ebanghelyo nina Mateo (9:1-8), Marcos (2:1-12), at Lucas. Magkakaibang detalye ang ipinapakita sa mga ulat nila. Hindi sinabi ni Mateo na idinaan sa bubong ang lalaki, pero ipinaliwanag ni Marcos na inalis ng mga kaibigan ng lalaki ang bubong, binutas ito, at ibinaba ang higaan ng lalaki. Sinabi naman ni Lucas na “inalis ang mga tisa” ng bubong para maibaba ang lalaki. (Tingnan ang study note sa Mar 2:4.) Ang salitang Griego na keʹra·mos ay puwedeng tumukoy sa “luwad,” ang materyal na ginagamit sa paggawa ng tisa, pero ang anyong pangmaramihan na ginamit dito ay posibleng tumutukoy sa mismong “tisa ng bubong.” May ebidensiya na ginagamit sa Israel noon ang mga tisa para sa bubong. Hindi natin masasabi kung ano talagang klase ng bubong ang tinutukoy sa mga ulat nina Marcos at Lucas, pero posibleng ang mga tisa ay nakalagay sa luwad na bubong o nakabaon dito. Alinman diyan ang totoo, ipinapakita lang ng mga ulat na nagsikap nang husto ang mga kaibigan ng lalaking paralitiko para madala siya kay Jesus. Ipinapakita ng mga ginawa nila kung gaano kalaki ang kanilang pananampalataya dahil binanggit sa tatlong ulat na ‘nakita ni Jesus ang pananampalataya nila.’—Luc 5:20.
-