-
Mga Study Note sa Lucas—Kabanata 6Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
kaniyang mga alagad: Ang salitang Griego para sa “alagad,” ma·the·tesʹ, ay tumutukoy sa isang estudyante at nagpapahiwatig ng malapít na kaugnayan sa kaniyang guro, na may malaking impluwensiya sa buhay niya. Kahit may malaking grupo na nagkakatipon para makinig kay Jesus, lumilitaw na ang pangunahin niyang kinakausap ay ang mga alagad niya, na nakaupo pinakamalapit sa kaniya.—Mat 5:1, 2; 7:28, 29.
at sinabi niya: Ang Sermon sa Bundok ay parehong iniulat nina Mateo (kabanata 5-7) at Lucas (6:20-49). Pinaikli ni Lucas ang ulat niya, samantalang ang ulat ni Mateo ay mas mahaba nang apat na beses, at mababasa doon ang buong ulat ni Lucas maliban sa ilang talata. Pareho ang pasimula at katapusan ng mga ulat nila, madalas silang gumamit ng magkatulad na ekspresyon, at halos magkapareho ang nilalaman ng ulat nila at pagkakasunod-sunod ng paksa. Kung minsan, kahit parehong paksa ang iniuulat nila, gumagamit sila ng magkaibang pananalita. Pero magkatugma pa rin ang ulat nila. Kapansin-pansin na ang ilang malalaking bahagi ng sermon na hindi mababasa sa ulat ni Lucas ay inulit ni Jesus sa ibang pagkakataon. Halimbawa, binanggit ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok ang tungkol sa panalangin (Mat 6:9-13) at tamang pananaw sa materyal na mga bagay (Mat 6:25-34). Makalipas ang mga isa’t kalahating taon, binanggit ulit ni Jesus ang mga bagay na ito, at iniulat ito ni Lucas. (Luc 11:2-4; 12:22-31) Isa pa, dahil sumulat si Lucas para sa lahat ng Kristiyano, posibleng inalis niya ang mga bahagi ng sermon na pangunahin nang para sa mga Judio.—Mat 5:17-27; 6:1-18.
Maligaya: Tingnan ang study note sa Mat 5:3; Ro 4:7.
kayong mahihirap: Ang ekspresyong Griego na isinaling “mahihirap” ay nangangahulugang “kapos; naghihikahos; pulubi.” Ang ulat ni Lucas tungkol sa unang kaligayahan na binanggit ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok ay may kaunting kaibahan sa Mat 5:3. Ginamit din ni Mateo ang salitang Griego para sa “mahihirap,” pero idinagdag niya ang salita para sa “espiritu,” kaya ang buong ekspresyon ay puwedeng literal na isaling “mahihirap (pulubi) sa espiritu.” (Tingnan ang study note sa Mat 5:3; Luc 16:20.) Ang pariralang ito ay nangangahulugang alam na alam ng isang tao na dukha siya sa espirituwal at kailangan niya ang Diyos. Sa ulat ni Lucas, ang tinutukoy lang niya ay ang mahihirap, na tumutugma naman sa ulat ni Mateo, dahil ang mahihirap at naaapi ay kadalasan nang mas nakakaunawa na may espirituwal na pangangailangan sila at alam na alam nilang kailangan nila ang Diyos. Sa katunayan, sinabi ni Jesus na ang isang mahalagang dahilan ng pagdating niya bilang Mesiyas ay ang “maghayag ng mabuting balita sa mahihirap.” (Luc 4:18) Ang mga sumunod kay Jesus at nabigyan ng pag-asang makinabang sa mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos ay kadalasan nang mahirap at pangkaraniwan. (1Co 1:26-29; San 2:5) Pero nilinaw sa ulat ni Mateo na hindi awtomatikong tatanggap ng pabor ng Diyos ang isang tao dahil lang sa mahirap siya. Kaya ang panimulang pananalita nina Mateo at Lucas sa pag-uulat ng Sermon sa Bundok ay sumusuporta sa isa’t isa.
-