-
Mga Study Note sa Lucas—Kabanata 8Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Juana: Pinaikling pambabaeng anyo ng pangalang Hebreo na Jehohanan, na nangangahulugang “Si Jehova ay Nagpakita ng Lingap; Si Jehova ay Nagmagandang-Loob.” Si Juana, isa sa mga babaeng pinagaling ni Jesus, ay dalawang beses lang binanggit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, at mababasa lang siya sa Ebanghelyo ni Lucas.—Luc 24:10.
Cuza: Katiwala sa bahay ni Herodes Antipas.
maglingkod sa kanila: O “sumuporta (maglaan) sa kanila.” Ang salitang Griego na di·a·ko·neʹo ay puwedeng tumukoy sa pag-aasikaso sa materyal na pangangailangan ng isa sa pamamagitan ng pagkuha ng pagkain, pagluluto, at paghahain, at iba pa. Ganiyan ang kahulugan ng salitang di·a·ko·neʹo sa Luc 10:40 (“paghahanda”), Luc 12:37 (“pagsisilbihan”), Luc 17:8 (“pagsilbihan”), at Gaw 6:2 (“mamahagi ng pagkain”), pero puwede rin itong tumukoy sa lahat ng iba pang paglilingkod para mailaan ang personal na pangangailangan ng isa. Sa tekstong ito, ipinaliwanag kung paano sumuporta kay Jesus at sa mga alagad niya ang mga babaeng binanggit sa talata 2 at 3. Nakatulong ang mga babaeng ito para matapos nina Jesus ang atas nila mula sa Diyos. Dahil diyan, naluwalhati ng mga babaeng ito ang Diyos, at ipinakita ng Diyos ang pagpapahalaga niya sa ginawa nila nang ipasulat niya sa Bibliya ang kanilang pagkamahabagin at pagkabukas-palad para mabasa ng mga susunod na henerasyon. (Kaw 19:17; Heb 6:10) Ito rin ang terminong Griego na ginamit para sa mga babaeng nakaulat sa Mat 27:55; Mar 15:41.—Tingnan ang study note sa Luc 22:26, kung saan ipinaliwanag ang kaugnay na pangngalang di·aʹko·nos.
-