-
Mga Study Note sa Lucas—Kabanata 12Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Magbihis kayo at maging handa: Lit., “Bigkisan ninyo ang inyong balakang.” Ang idyomang ito ay tumutukoy sa pagsusuot ng sinturon sa ibabaw ng panlabas na damit para hindi ito makasagabal sa pagtatrabaho, pagtakbo, at iba pang gawain. Pero ginamit na rin ito para tumukoy sa pagiging handa para sa anumang gawain. Maraming beses lumitaw sa Hebreong Kasulatan ang katulad na mga ekspresyon. (Halimbawa: Exo 12:11, tlb.; 1Ha 18:46; 2Ha 3:21, tlb.; 4:29; Kaw 31:17, tlb.; Jer 1:17, tlb.) Sa kontekstong ito, ang anyo ng pandiwang Griego na ginamit ay nagpapakita ng pagiging laging handa ng mga lingkod ng Diyos para sa espirituwal na gawain. Sa Luc 12:37, ang pandiwang iyon ay isinaling “magbibihis siya para maglingkod.” Sa 1Pe 1:13 naman, ang ekspresyong “ihanda ninyong mabuti ang isip ninyo para sa gawain” ay literal na nangangahulugang “bigkisan ninyo ang balakang ng inyong isip.”
-