-
Mga Study Note sa Lucas—Kabanata 13Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
asong-gubat: Sa Ingles, fox. Ang hayop na ito ay kilala sa pagiging tuso, at iyan ang posibleng dahilan kung bakit tinawag ni Jesus si Herodes na asong-gubat. Sinasabi ng ilang iskolar na bukod sa pagiging tuso, iniisip din ni Jesus na si Herodes ay mahina at walang halaga. Sa mga akdang Judio, ginagamit ang asong-gubat para tumukoy sa mahihina (ihambing ang Ne 4:3) pero tuso at mapagsamantala, kabaligtaran ng paggamit sa leon, na tumutukoy sa matapang at malakas na tagapamahala. (Ihambing ang Kaw 28:1; Jer 50:17; Eze 32:2.) Kung tama ang mga pananaw na ito, lumilitaw na sinasabi ni Jesus na si Herodes ay isang tagapamahalang tuso at mataas ang tingin sa sarili pero walang halaga sa paningin ng Diyos. Papunta noon si Jesus sa Jerusalem, at malamang na nasa Perea siya, na teritoryo ni Herodes, nang sabihin ng mga Pariseo sa kaniya na gusto siyang patayin ni Herodes. Posibleng si Herodes ang nagpakalat ng balitang ito kasi umaasa siyang matatakot si Jesus at aalis sa teritoryo niya kapag narinig ito. Lumilitaw na hindi mapalagay si Herodes dahil kay Jesus at sa ministeryo niya. Bago nito, namanipula si Herodes ng asawa niya kaya ipinapatay niya si Juan Bautista, at malamang na takót siyang pumatay ng isa pang propeta ng Diyos.—Mat 14:1, 2; Mar 6:16.
ngayon at bukas, at matatapos ako sa ikatlong araw: Hindi literal ang sinabing ito ni Jesus. Sa halip, sinasabi lang niya na kaunting panahon na lang ang natitira bago siya magpunta sa Jerusalem, kung saan siya mamamatay. Posibleng ipinapahiwatig din ng pananalita niya na nakatakda na ang gawain at haba ng ministeryo niya bilang Mesiyas at hindi ito mapapaikli, maiimpluwensiyahan, o mababago ng sinumang tagapamahala.
-