-
Mga Study Note sa Juan—Kabanata 2Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Ano: O “Babae, ano.” Ang paggamit ni Jesus ng terminong “babae” sa pakikipag-usap sa kaniyang ina ay katulad ng paraan ng pakikipag-usap niya sa iba pang babae, at lumilitaw na itinuturing itong magalang sa maraming konteksto. Hindi ito nagpapakita ng kabastusan, kagaspangan, o kawalang-galang sa anumang paraan. Ginamit ito ng mga anghel at ng binuhay-muling si Jesus sa pakikipag-usap kay Maria Magdalena noong umiiyak ito sa libingan ni Jesus; siguradong hindi sila magsasalita ng masakit o nang walang respeto sa ganitong sitwasyon. (Ju 20:13, 15) Habang nasa pahirapang tulos si Jesus, ginamit niya ang terminong ito sa pakikipag-usap sa kaniyang ina nang ihabilin niya ito sa minamahal niyang apostol na si Juan dahil nagmamalasakit siya kay Maria. (Ju 19:26, tlb.) Ginawa niya ito dahil sa makakasulatang obligasyon ng anak na parangalan ang kaniyang ama at ina. (Exo 20:12; Deu 5:16; Mat 15:4) May mga reperensiya ring nagsasabi na ang paggamit ng terminong “babae” sa pakikipag-usap ay nagpapakita pa rin ng paggalang at pagmamahal.
Ano ang kinalaman natin doon?: Nang sabihin ni Maria kay Jesus: “Wala na silang alak” (Ju 2:3), maliwanag na gusto niyang may gawin si Jesus tungkol dito. Kapansin-pansin ito dahil wala pa namang nagagawang himala si Jesus. Ang idyomang Semitiko sa sagot ni Jesus, na sa literal ay “ano sa akin at sa iyo?” ay pangunahin nang nagpapakita ng pagtutol at dapat unawain ayon sa konteksto. Kung minsan, ginagamit ang ekspresyong ito sa pakikipag-away at pagtataboy. (Mat 8:29; Mar 1:24; 5:7; Luc 4:34; 8:28) Pero sa pagkakataong ito, hindi naman galít si Jesus. (Para sa iba pang halimbawa ng ganitong paggamit sa idyomang ito sa Hebreong Kasulatan, tingnan ang 2Sa 16:9, 10 at 1Ha 17:18, tlb.) Makikita sa sumunod na sinabi ni Jesus kung bakit siya nag-aalangan: Hindi pa dumarating ang oras ko. Pero lumilitaw na hindi naman sinasabi ni Jesus na ayaw niyang tumulong, gaya ng makikita sa reaksiyon ni Maria sa talata 5.
-