-
Juan 7:35Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
-
-
35 Kaya sinabi ng mga Judio sa isa’t isa: “Saan kaya pupunta ang taong ito at hindi natin siya makikita? Balak ba niyang pumunta sa mga Judio na nakapangalat sa gitna ng mga Griego at turuan din ang mga Griego?
-
-
Mga Study Note sa Juan—Kabanata 7Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
mga Judio: Sa kontekstong ito kung saan binanggit ang mga punong saserdote at mga Pariseo (Ju 7:32, 45), lumilitaw na ang “mga Judio” ay tumutukoy sa mga Judiong lider ng relihiyon.—Tingnan ang study note sa Ju 7:1.
mga Judio na nakapangalat: Sa kontekstong ito, ang salitang Griego na di·a·spo·raʹ ay tumutukoy sa mga Judiong hindi nakatira sa Israel. Nangalat sila dahil ipinatapon ang mga Judio nang masakop sila ng ibang mga bansa—una, ng mga Asiryano, noong ikawalong siglo B.C.E.; at ng mga Babilonyo, noong ikapitong siglo B.C.E. (2Ha 17:22, 23; 24:12-17; Jer 52:28-30) Maliit na grupo lang ng mga ipinatapon ang bumalik sa Israel, at hindi na umuwi ang marami. (Isa 10:21, 22) Noong ikalimang siglo B.C.E., lumilitaw na may mga Judiong komunidad na sa 127 lalawigan ng Imperyo ng Persia. (Es 1:1; 3:8) Ang ekspresyong ginamit dito sa Ju 7:35 ay espesipikong tumutukoy sa mga Judiong nangalat sa gitna ng mga Griego. Noong unang siglo, marami nang Judio sa labas ng Israel na nakatira sa mga komunidad na nagsasalita ng Griego, gaya ng sa Sirya, Asia Minor, at Ehipto, pati na rin sa teritoryo ng Imperyong Romano na nasa Europa, gaya ng Gresya at Roma. Dahil sa pagsisikap na mapalaganap ang Judaismo, dumami ang nakakilala kay Jehova at nakaalam ng Kautusang ibinigay Niya sa mga Judio. (Mat 23:15) Ang mga Judio at proselita mula sa maraming lupain ay pumunta sa Jerusalem para sa Kapistahan ng Pentecostes noong 33 C.E., at narinig nila ang mabuting balita tungkol kay Jesus. Kaya nakatulong sa mabilis na paglaganap ng Kristiyanismo ang pangangalat ng mga Judio sa buong Imperyo ng Roma.
-