-
Mga Study Note sa Juan—Kabanata 12Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Jehova: Sa pagsiping ito mula sa Isa 53:1, isang beses lang lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo ang pangalan ng Diyos, sa pariralang “kanino ipinakita ni Jehova ang lakas niya?” Pero lumilitaw na sumipi si Juan sa salin ng Septuagint ng hulang ito ni Isaias, kung saan ang tekstong Griego ay nagsimula sa isang anyo ng salitang Kyʹri·os (Panginoon), na ginagamit sa pakikipag-usap sa Diyos. (Tingnan ang Ro 10:16, na sumipi rin sa Isa 53:1.) Posibleng idinagdag ng mga tagapagsalin ng Septuagint ang unang paglitaw ng pangalan ng Diyos para maging malinaw sa mga mambabasa na ang Diyos ang tinatanong ng propeta. Ang Kyʹri·os sa mas bagong mga kopya ng Septuagint ay kadalasan nang ipinampapalit sa Tetragrammaton na lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo (gaya ng ginawa sa pangalawang paglitaw ng Kyʹri·os sa pagsiping ito). Kaya ginamit sa saling ito ang pangalan ng Diyos. Maraming saling Hebreo ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (may code na J12, 14, 16-18, 22, 23 sa Ap. C4) ang gumamit ng pangalan ng Diyos sa unang paglitaw ng Kyʹri·os sa Ju 12:38.
ipinakita ni Jehova ang lakas niya: Lit., “ipinakita ni Jehova ang bisig niya.” Sa pagsiping ito sa Isa 53:1, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw nang isang beses sa orihinal na tekstong Hebreo. (Tingnan ang study note sa unang paglitaw ng Jehova sa talatang ito at ang Ap. A5 at C.) Ang terminong Hebreo at Griego para sa “bisig” ay kadalasan nang ginagamit sa Bibliya para tumukoy sa paggamit ng lakas o kapangyarihan. Sa pamamagitan ng mga tanda at himala ni Jesus, naipakita ni Jehova ang “bisig” niya, o ang kaniyang lakas at kapangyarihan.
-