-
Mga Study Note sa Gawa—Kabanata 1Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
nagpalabunutan: Kapag nagdedesisyon noon ang mga lingkod ng Diyos bago ang panahon ng mga Kristiyano, nagpapalabunutan sila para malaman ang kalooban ni Jehova. (Lev 16:8; Bil 33:54; 1Cr 25:8; Kaw 16:33; 18:18; tingnan sa Glosari, “Palabunutan.”) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito lang binanggit na nagpalabunutan ang mga tagasunod ni Jesus. Nagpalabunutan ang mga alagad para malaman kung sino sa dalawang lalaking inirekomenda ang dapat pumalit kay Hudas Iscariote. Alam ng mga alagad na kailangan nila ng patnubay ni Jehova. Bawat isa sa 12 apostol ay pinili ni Jesus pagkatapos niyang manalangin nang magdamag sa kaniyang Ama. (Luc 6:12, 13) Kaya kapansin-pansin na bago “nabunot” si Matias, binasa muna ng mga alagad ang Kasulatan at espesipiko silang nanalangin na “ipaalám” ni Jehova sa kanila kung sino ang pinili niya. (Gaw 1:20, 23, 24) Pero pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E., wala nang mababasa sa Bibliya na nagpalabunutan ang mga Kristiyano sa pagpili ng mga tagapangasiwa at ng mga katulong nila o sa pagdedesisyon sa mahahalagang bagay. Hindi na kailangang magpalabunutan dahil kumikilos na ang banal na espiritu sa kongregasyong Kristiyano. (Gaw 6:2-6; 13:2; 20:28; 2Ti 3:16, 17) Ang mga lalaki ay hinihirang bilang tagapangasiwa, hindi dahil napili sila sa palabunutan, kundi dahil nagpapakita sila ng mga katangian na bunga ng banal na espiritu. (1Ti 3:1-13; Tit 1:5-9) May ibang kultura din na gumagamit ng palabunutan. (Es 3:7; Joe 3:3; Ob 11) Halimbawa, gaya ng inihula sa Aw 22:18, pinagpalabunutan ng mga sundalong Romano ang kasuotan ni Jesus. Pero maliwanag na ginawa nila ito, hindi para tuparin ang hula sa Bibliya, kundi para sa personal na pakinabang.—Ju 19:24; tingnan ang study note sa Mat 27:35.
ibinilang siyang kasama ng 11 apostol: Pagdating ng Pentecostes, mayroon nang 12 apostol na magsisilbing pundasyon ng espirituwal na Israel. Kaya siguradong kasama na si Matias sa “12 apostol” na tumulong sa paglutas ng problemang may kinalaman sa mga alagad na nagsasalita ng Griego.—Gaw 6:1, 2.
-