-
Gawa 2:17Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
-
-
17 ‘ “At sa mga huling araw,” sabi ng Diyos, “ay ibubuhos ko ang ilang bahagi ng aking espiritu+ sa bawat uri ng laman, at ang inyong mga anak na lalaki at ang inyong mga anak na babae ay manghuhula at ang inyong mga kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain at ang inyong matatandang lalaki ay mananaginip ng mga panaginip;+
-
-
Mga Study Note sa Gawa—Kabanata 2Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
sa mga huling araw: Sa pagsiping ito ni Pedro sa hula ni Joel, ginamit niya ang pariralang “sa mga huling araw” sa halip na “pagkatapos,” ang ekspresyong ginamit sa orihinal na Hebreo at sa Septuagint. (Joe 2:28 [3:1, LXX]) Natupad ang hula ni Joel nang ibuhos ang banal na espiritu noong Pentecostes. Ibig sabihin, ang “mga huling araw” na tinutukoy ni Pedro ay nagsimula na, at ipinapahiwatig ng paggamit niya ng ekspresyong ito na magaganap ito bago ang “dakila at maluwalhating araw ni Jehova.” At lumilitaw na ang “mga huling araw” ay magtatapos sa “araw ni Jehova.” (Gaw 2:20) Ang kausap dito ni Pedro ay likas at proselitang mga Judio, kaya lumilitaw na sa kanila unang matutupad ang hulang ito. Maliwanag sa sinabi ni Pedro na ang mga Judio ay nabubuhay na noon sa “mga huling araw” ng sistema ng mga bagay kung kailan ang sentro ng pagsamba ay nasa Jerusalem pa. Bago nito, inihula mismo ni Jesus ang pagkawasak ng Jerusalem at ng templo nito. (Luc 19:41-44; 21:5, 6) Natupad iyon noong 70 C.E.
espiritu ko: Dito, ang salitang Griego na pneuʹma ay tumutukoy sa banal na espiritu, o aktibong puwersa ng Diyos. Sa Joe 2:28, na sinipi dito, ginamit ang katumbas nitong salitang Hebreo na ruʹach. Ang Hebreo at Griegong salitang ito ay pangunahin nang tumutukoy sa isang bagay na di-nakikita at nagpapatunay na may kumikilos na puwersa.—Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”
bawat uri ng tao: Lit., “lahat ng laman.” Dito, ang salitang Griego na sarx (madalas isaling “laman”) ay tumutukoy sa mga tao, kaya ang “lahat ng laman” ay para bang tumutukoy sa lahat ng tao. (Tingnan ang study note sa Ju 17:2.) Pero sa kontekstong ito, mas espesipiko ang ibig sabihin ng pariralang Griego para sa “lahat ng laman.” Hindi ibinuhos ng Diyos ang espiritu niya sa lahat ng tao sa lupa o kahit sa lahat ng tao sa Israel, kaya ang ekspresyong ito ay hindi tumutukoy sa lahat ng tao. Sa halip, tumutukoy ito sa lahat ng uri ng tao. Ibinuhos ng Diyos ang banal na espiritu sa ‘mga anak na lalaki at babae, kabataang lalaki, matatandang lalaki, at mga aliping lalaki at babae,’ ibig sabihin, sa lahat ng uri ng tao. (Gaw 2:17, 18) Ganito rin ang pagkakagamit ng salitang Griego para sa “lahat” (pas) sa 1Ti 2:3, 4, na nagsasabing gusto ng Diyos na “maligtas ang lahat ng uri ng tao.”—Tingnan ang study note sa Ju 12:32.
manghuhula: Ang terminong Griego na pro·phe·teuʹo ay literal na nangangahulugang “magsalita.” Sa Kasulatan, ginagamit ito para tumukoy sa paghahayag ng mensahe mula sa Diyos. Madalas na nangangahulugan itong pagsasabi ng mangyayari sa hinaharap, pero hindi iyan ang pangunahing kahulugan ng terminong ito. Ang salitang Griegong ito ay puwede ring mangahulugang malalaman ng isang tao ang isang bagay dahil sa pagsisiwalat ng Diyos. (Tingnan ang study note sa Mat 26:68; Mar 14:65; Luc 22:64.) Sa kontekstong ito, pinakilos ng banal na espiritu ang ilan na manghula. Sa pamamagitan ng paghahayag ng “makapangyarihang mga gawa” ni Jehova at ng mga gagawin pa niya, sila ay magsisilbing mga tagapagsalita ng Kataas-taasan. (Gaw 2:11) Ganito rin ang kahulugan ng salitang Hebreo para sa “manghula.” Halimbawa, sa Exo 7:1, si Aaron ay sinabing “propeta” ni Moises, hindi dahil sa sasabihin niya kung ano ang mangyayari sa hinaharap, kundi dahil magiging tagapagsalita siya nito.
matatandang lalaki: Dito, ang terminong pre·sbyʹte·ros ay malamang na tumutukoy sa mga lalaking may-edad, na kabaligtaran ng “mga kabataang lalaki” na naunang binanggit sa talata. Sa ibang konteksto, ang terminong ito ay tumutukoy sa mga lalaking may malaking awtoridad at pananagutan sa isang komunidad o bansa.—Gaw 4:5; 11:30; 14:23; 15:2; 20:17; tingnan ang study note sa Mat 16:21.
-