-
Mga Study Note sa Gawa—Kabanata 4Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
katapangan: O “pagkatahasan.” Ang salitang Griego na par·re·siʹa ay isinalin ding “kalayaan sa pagsasalita; nagtitiwala.” (Gaw 28:31; 1Ju 5:14) Ang pangngalang ito at ang kaugnay na pandiwang par·re·si·aʹzo·mai, na isinasaling “buong tapang (walang takot) na nagsasalita,” ay lumitaw nang maraming beses sa aklat ng Gawa, at ipinapakita nito kung paano nangangaral ang mga Kristiyano noon.—Gaw 4:29, 31; 9:27, 28; 13:46; 14:3; 18:26; 19:8; 26:26.
hindi nakapag-aral: Ang terminong Griego na ginamit dito, a·gramʹma·tos, ay puwedeng mangahulugang “hindi marunong magbasa at magsulat.” Pero sa kontekstong ito, malamang na tumutukoy ito sa mga taong hindi nakapag-aral sa paaralan ng mga rabbi. Lumilitaw na nakakapagbasa at nakakapagsulat ang karamihan sa mga Judio noong unang siglo, at ang isang dahilan ay maraming nagtuturo noon sa mga sinagoga. Pero gaya ni Jesus, hindi nakapag-aral sina Pedro at Juan sa paaralan ng mga rabbi. (Ihambing ang Ju 7:15.) Para sa mga lider ng relihiyon noong panahon ni Jesus, sa mga paaralang ito lang makakakuha ng edukasyon tungkol sa relihiyon. Naniniwala ang mga Saduceo at mga Pariseo na hindi kuwalipikado sina Pedro at Juan na ituro o ipaliwanag ang Kautusan sa mga tao. Isa pa, ang dalawang alagad na ito ay parehong galing sa Galilea, kung saan karamihan sa mga tao ay magsasaka, pastol, at mangingisda. Lumilitaw na mababa ang tingin ng mga lider ng relihiyon at ng iba pa sa Jerusalem at Judea sa mga taga-Galilea, at ang tingin nila kina Pedro at Juan ay “hindi nakapag-aral at pangkaraniwan.” (Ju 7:45-52; Gaw 2:7) Pero hindi ganoon ang tingin sa kanila ng Diyos. (1Co 1:26-29; 2Co 3:5, 6; San 2:5) Bago mamatay si Jesus, tinuruan at sinanay niyang mabuti sina Pedro at Juan at ang iba pang alagad. (Mat 10:1-42; Mar 6:7-13; Luc 8:1; 9:1-5; 10:1-42; 11:52) Nang buhayin siyang muli, patuloy niyang tinuruan ang mga alagad niya sa pamamagitan ng banal na espiritu.—Ju 14:26; 16:13; 1Ju 2:27.
-