-
Mga Study Note sa Gawa—Kabanata 6Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
mga Judiong nagsasalita ng Griego: Lit., “mga Helenista.” Ang salitang Griego na Hel·le·ni·stesʹ ay hindi makikita sa mga literaturang Griego o Helenistikong Judio, pero batay sa konteksto at sa maraming diksyunaryo, tumutukoy ito sa “mga Judiong nagsasalita ng Griego.” Nang panahong iyon, lahat ng Kristiyano sa Jerusalem, pati na ang mga nagsasalita ng Griego, ay may dugong Judio o mga proselitang Judio. (Gaw 10:28, 35, 44-48) Ginamit ang ekspresyong “mga Judiong nagsasalita ng Griego” para maipakita ang kaibahan nila sa “mga Judiong nagsasalita ng Hebreo” (lit., “mga Hebreo”; anyong pangmaramihan ng salitang Griego na E·braiʹos). Kaya ang “mga Helenista” ay mga Judiong nagsasalita ng Griego na nagpunta sa Jerusalem galing sa iba’t ibang bahagi ng Imperyo ng Roma, at posibleng kasama diyan ang Decapolis. Ang karamihan naman sa mga Judiong nagsasalita ng Hebreo ay posibleng galing sa Judea at Galilea. Malamang na magkaiba ang kultura ng dalawang grupong ito ng mga Judiong Kristiyano.—Tingnan ang study note sa Gaw 9:29.
mga Judiong nagsasalita ng Hebreo: Lit., “mga Hebreo.” Ang salitang Griego na E·braiʹos (nasa anyong pang-isahan) ay karaniwan nang tumutukoy sa isang Israelita, o isang Hebreo. (2Co 11:22; Fil 3:5) Pero sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa mga Judiong Kristiyano na nagsasalita ng Hebreo. Ginamit ang ekspresyong ito para ipakitang iba sila sa mga Judiong Kristiyano na nagsasalita ng Griego.—Tingnan ang study note sa mga Judiong nagsasalita ng Griego sa talatang ito at ang study note sa Ju 5:2.
araw-araw na pamamahagi ng pagkain: O “araw-araw na paglilingkod (ministeryo).” Ang salitang Griego na di·a·ko·niʹa ay karaniwang isinasaling “paglilingkod,” at sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa paglalaan ng materyal na pangangailangan ng mahihirap na kapatid sa kongregasyon.—Tingnan ang study note sa Gaw 6:2, kung saan ang kaugnay na pandiwang Griego na di·a·ko·neʹo ay isinaling “mamahagi ng pagkain”; tingnan din ang study note sa Luc 8:3.
-