-
Mga Study Note sa Gawa—Kabanata 6Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
pagtuturo ng salita: Lit., “ministeryo ng salita.” Ang salitang Griego na ginamit dito para sa “ministeryo” (di·a·ko·niʹa) ay ginamit din sa Gaw 6:1 at 6:4. Kaya maliwanag na dalawang uri ng ministeryo ang tinutukoy dito—ang patas na pamamahagi ng pagkain sa mga nangangailangan at ang paglalaan ng espirituwal na pagkain mula sa Salita ng Diyos. Nakita ng mga apostol na hindi tamang ibuhos nila ang kanilang oras sa pamamahagi ng literal na pagkain, dahil ang pangunahing ministeryo nila ay ang espirituwal na pagpapakain sa kongregasyon, na nagagawa nila sa pamamagitan ng pananalangin at pag-aaral, pagsasaliksik, pagtuturo, at pagpapastol. Alam nila na mahalagang bahagi ng ministeryong Kristiyano ang paglalaan ng materyal na pangangailangan ng mahihirap na biyuda sa kongregasyon. Nang maglaon, ipinasulat ni Jehova kay Santiago na para maging katanggap-tanggap ang pagsamba ng mga tao sa Diyos, dapat nilang “alagaan ang mga ulila at mga biyuda na nagdurusa.” (San 1:27) Pero alam ng mga apostol na ang pangunahing pananagutan nila ay ilaan ang espirituwal na pangangailangan ng lahat ng alagad, kasama na ang mga biyuda.
-