-
Mga Study Note sa Gawa—Kabanata 7Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
mga supling: Lit., “binhi.”—Tingnan ang Ap. A2.
pahihirapan nang 400 taon: Sa Gen 15:13, na sinipi rito, sinabi ng Diyos kay Abram (Abraham) na aalipinin at pahihirapan nang 400 taon ang mga inapo niya. Natapos ito noong palayain ni Jehova ang mga Israelita sa pagkaalipin sa Ehipto noong Nisan 14, 1513 B.C.E., kaya maliwanag na nagsimula ito noong 1913 B.C.E. Makikita sa kronolohiya ng Bibliya na noong taóng iyon, ang anak ni Abraham na si Isaac—na mga limang taóng gulang noon—ay sinimulang hamakin ni Ismael, na kapatid nito sa ama. Mga 19 na taon bago nito, ipinanganak si Ismael ng aliping Ehipsiyo ni Sarai (Sara) na si Hagar. Posibleng hinahamak ni Ismael ang nakababata niyang kapatid na si Isaac dahil ito ang tatanggap ng mana ng panganay kahit na si Ismael naman ang unang ipinanganak. (Gen 16:1-4; 21:8-10) Nang maglaon, tinawag ni Pablo na pag-uusig ang ginawa ni Ismael kay Isaac. (Gal 4:29) Lumilitaw na napakatindi ng pag-uusig na ito kaya sang-ayon si Jehova sa gusto ni Sara na palayasin ni Abraham si Ismael at ang nanay niya. (Gen 21:11-13) Kaya si Isaac ang unang supling ni Abraham na dumanas ng inihulang pagpapahirap. Maliwanag na ang pangyayaring ito, na detalyadong iniulat sa Bibliya, ang simula ng inihulang 400-taóng pagpapahirap sa mga Israelita na nagtapos sa paglaya nila sa Ehipto.
-