-
Gawa 11:20Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
-
-
20 Pero ang ilan na mula sa Ciprus at Cirene ay pumunta sa Antioquia at inihayag sa mga taong nagsasalita ng Griego ang mabuting balita tungkol sa Panginoong Jesus.
-
-
Mga Study Note sa Gawa—Kabanata 11Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Antioquia: Ang lunsod na ito ay nasa Sirya, sa may ilog ng Orontes, mga 32 km (20 mi) mula sa daungan ng Seleucia sa Mediteraneo, pasalungat sa agos ng ilog. Noong unang siglo C.E., ang Antioquia ng Sirya ang ikatlong pinakamalaki at pinakamayamang lunsod sa Imperyo ng Roma, sumunod sa lunsod ng Roma at Alejandria. Nang panahong iyon, may malaking komunidad dito ng mga Judio at hindi ganoon kalala ang alitan sa pagitan ng mga Judio at mga Gentil. Lumilitaw na ang Antioquia ng Sirya ay magandang lugar noon para pasimulan ang pangangaral ng mga alagad sa di-tuling mga Gentil, hindi lang sa mga Judio. (Tingnan ang study note sa mga taong nagsasalita ng Griego sa talatang ito.) Ang Antioquia na ito ay iba sa Antioquia ng Pisidia sa Asia Minor.—Tingnan ang study note sa Gaw 6:5; 13:14 at Ap. B13.
mga taong nagsasalita ng Griego: Lit., “mga Helenista.” Ang kahulugan ng terminong Griego na ginamit dito (Hel·le·ni·stesʹ) ay makikita sa konteksto. Sa Gaw 6:1, maliwanag na tumutukoy ito sa “mga Judiong nagsasalita ng Griego.” (Tingnan ang study note sa Gaw 6:1.) Kaya naisip ng ilang iskolar na ang pinangaralan ng mga alagad sa Antioquia ng Sirya ay mga tuling Judio o proselita na nagsasalita ng Griego. Pero maliwanag na isang bagong bagay ang nangyayari noon sa Antioquia. Gaya ng binabanggit sa Gaw 11:19, sa mga Judio lang muna sa Antioquia unang ipinangaral ang salita ng Diyos, pero lumilitaw na sa panahong ito, ipinangangaral na rin ang mensahe sa mga di-Judiong nakatira doon. Malamang na ipinadala si Bernabe sa Antioquia para patibayin ang mga bagong alagad doon na nagsasalita ng Griego. (Gaw 11:22, 23) Sa ilang sinaunang manuskrito, ginamit sa talatang ito ang salitang Helʹle·nas (nangangahulugang “mga Griego”; tingnan ang Gaw 16:3) sa halip na Hel·le·ni·stesʹ. Kaya sa maraming salin, ginamit ang terminong “mga Griego” o “mga Gentil.” Ipinapakita ng mga terminong ito na hindi miyembro ng Judiong relihiyon ang mga pinangaralan sa Antioquia. Pero puwede rin na parehong tinutukoy dito ang mga Judio at mga Gentil na pamilyar sa wikang Griego, kaya ginamit sa saling ito ang terminong “mga taong nagsasalita ng Griego.” Posibleng ang mga taong ito na nagsasalita ng Griego ay mula sa iba’t ibang bansa, pero natutuhan nila ang wika at posibleng pati na rin ang mga kaugalian ng mga Griego.
-