-
Mga Study Note sa Gawa—Kabanata 12Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Anghel iyon: Lit., “Anghel niya iyon.” Ang terminong Hebreo at Griego na isinasaling “anghel” ay nangangahulugang “mensahero.” (Tingnan ang study note sa Ju 1:51.) Posibleng iniisip ng mga nagsabing “anghel niya [ni Pedro] iyon” na may isang mensaherong anghel sa may pinto na kumakatawan sa apostol. Lumilitaw na may ilang Judio na naniniwalang bawat lingkod ng Diyos ay may sariling anghel, o anghel de la guwardiya, pero walang direktang mababasa sa Bibliya tungkol dito. Gayunman, alam ng mga alagad ni Jesus na may indibidwal na mga miyembro ng bayan ng Diyos na tinulungan noon ng mga anghel. Halimbawa, may binanggit si Jacob na isang ‘anghel na nagligtas sa kaniya sa lahat ng kapahamakan.’ (Gen 48:16) Sinabi rin ni Jesus tungkol sa mga alagad niya na “nakikita ng kanilang mga anghel sa langit ang mukha ng aking Ama,” na nagpapakitang nagmamalasakit ang mga anghel sa bawat alagad ni Jesus. (Tingnan ang study note sa Mat 18:10.) Siguradong hindi naisip ng mga nagtitipon sa bahay ni Maria na si Pedro mismo na nasa anyong anghel ang nagpapakita, na para bang namatay na siya at naging espiritu, dahil alam nila ang itinuturo ng Hebreong Kasulatan tungkol sa kalagayan ng mga patay.—Ec 9:5, 10.
-