-
Mga Study Note sa Gawa—Kabanata 13Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Salamis: Ang Salamis ay nasa silangan ng isla ng Ciprus, at magandang lugar ito para simulan ang pangangaral sa Ciprus, kahit na Pafos, na nasa kanlurang baybayin, ang Romanong kabisera nito. Mas malapit din ang Salamis sa lugar kung saan nanggaling ang mga misyonero, malapit sa Antioquia ng Sirya. At ito ang sentro ng kultura, edukasyon, at komersiyo sa isla. Marami ring Judio sa Salamis, at higit sa isa ang sinagoga rito. Dahil taga-Ciprus si Bernabe, kabisado niya ang lugar kaya siguradong malaki ang naitulong niya sa mga misyonerong kasama niya. Depende sa ruta, posibleng di-bababa sa 150 km (mga 100 mi) ang nilakad nila habang nangangaral sa buong isla.—Tingnan ang Ap. B13.
Juan: Si Juan Marcos, isa sa mga alagad ni Jesus na “pinsan ni Bernabe” (Col 4:10) at ang manunulat ng Ebanghelyo ni Marcos. (Tingnan ang study note sa Mar Pamagat.) Tinawag din siyang Juan sa Gaw 13:13, pero sa tatlong iba pang teksto sa Gawa kung saan tinukoy siya, binanggit na ‘tinatawag din siyang Marcos,’ ang Romanong apelyido niya. (Gaw 12:12, 25; 15:37) Ang pangalang Juan ay katumbas ng pangalang Hebreo na Jehohanan o Johanan, na nangangahulugang “Si Jehova ay Nagpakita ng Lingap; Si Jehova ay Nagmagandang-Loob.” Sa iba pang bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, “Marcos” lang ang tawag sa kaniya—Col 4:10; 2Ti 4:11; Flm 24; 1Pe 5:13.
-