-
Mga Study Note sa Gawa—Kabanata 13Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
sumasamba sa Diyos: Ang salitang Griego na seʹbo·mai, isinalin ditong “sumasamba sa Diyos,” ay nangangahulugang “sumamba; magpakita ng matinding paggalang.” Puwede rin itong isaling “may takot sa Diyos; deboto.” (Tingnan ang study note sa Gaw 13:50.) Sa Syriac na Peshitta, isinalin itong “may takot sa Diyos.” Sa isang Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (may code na J18 sa Ap. C4), ginamit ang pangalan ng Diyos dito, at ang buong ekspresyon ay puwedeng isalin na “may takot kay Jehova.”
walang-kapantay na kabaitan ng Diyos: Dating pinag-uusig ni Pablo si Jesus at ang mga tagasunod nito (Gaw 9:3-5), kaya talagang napahalagahan niya ang walang-kapantay na kabaitan ni Jehova. (Tingnan sa Glosari, “Walang-kapantay na kabaitan.”) Nakita ni Pablo na nagagawa lang niya ang ministeryo niya dahil sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos. (1Co 15:10; 1Ti 1:13, 14) Noong kausap niya ang matatandang lalaki mula sa Efeso, dalawang beses niyang binanggit ang katangiang ito. (Gaw 20:24, 32) Sa 14 na liham ni Pablo, mga 90 beses niyang binanggit ang “walang-kapantay na kabaitan”; di-hamak na mas marami ito kaysa sa pagbanggit dito ng ibang manunulat. Halimbawa, binanggit niya ang walang-kapantay na kabaitan ng Diyos o ni Jesus sa pasimula ng lahat ng liham niya, maliban sa liham niya sa mga Hebreo, at tinapos niya ang bawat liham niya gamit ang ekspresyong ito.
-