-
Mga Study Note sa Gawa—Kabanata 16Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
babaeng si Lydia: Dalawang beses lang binanggit si Lydia sa Bibliya, dito at sa Gaw 16:40. May nasusulat na mga ebidensiyang nagpapakita na ang Lydia ay isang personal na pangalan, pero naniniwala ang ilan na isa lang itong bansag na nangangahulugang “Babaeng Taga-Lydia.” Si Lydia at ang sambahayan niya ay naging Kristiyano noong mga 50 C.E. sa Filipos, kaya kasama sila sa mga unang naging Kristiyano sa Europa dahil sa pangangaral ni Pablo. Si Lydia—na posibleng hindi kailanman nag-asawa o isang biyuda—ay bukas-palad kaya nagkaroon siya ng pagkakataong masiyahan sa pakikisama sa mga misyonerong sina Pablo, Silas, at Lucas.—Gaw 16:15.
nagtitinda ng purpura: Nagtitinda si Lydia ng iba’t ibang bagay na kulay purpura, gaya ng tela, damit, makakapal na telang burdado, tina, at iba pa. Mula siya sa Tiatira, isang lunsod sa kanlurang Asia Minor sa rehiyong tinatawag na Lydia. May natagpuang inskripsiyon sa Filipos na nagpapakitang may samahan ng mga nagtitinda ng purpura sa lunsod na iyon. Kilalá ang mga taga-Lydia at ang mga nasa kalapít na lugar nila sa husay nila sa pagtitina ng purpura mula pa noong panahon ni Homer (ikasiyam o ikawalong siglo B.C.E.). Dahil kailangan ng malaking puhunan sa negosyo ni Lydia at nakapagpatulóy siya ng apat na tao sa malaking bahay niya—sina Pablo, Silas, Timoteo, at Lucas—malamang na isa siyang mayamang negosyante. Ang tinutukoy ditong “sambahayan niya” ay posibleng mga kamag-anak na kasama niya sa bahay, at puwede ring ipinapakita nito na may mga alipin at tagapaglingkod siya. (Gaw 16:15) Lumilitaw na naging tagpuan ng mga Kristiyano sa Filipos ang bahay ni Lydia dahil bago umalis sina Pablo at Silas, nakipagkita muna sila sa ilang kapatid sa bahay niya.—Gaw 16:40.
binuksan ni Jehova ang puso niya: Tinawag si Lydia na mananamba ng Diyos, isang ekspresyon na nagpapakitang isa siyang Judiong proselita. (Gaw 13:43) Noong araw ng Sabbath, kasama siya ng ilang babae na nagtitipon para manalangin sa tabi ng ilog na nasa labas ng Filipos. (Gaw 16:13) Posibleng kaunti lang ang Judio sa Filipos at walang sinagoga roon. Posibleng natuto si Lydia tungkol kay Jehova sa bayang pinagmulan niya, ang Tiatira, kung saan maraming Judio at may isang lugar na pinagtitipunan ng mga Judio. Napansin ni Jehova, ang Diyos na sinasamba niya, na nakikinig siyang mabuti.—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 16:14.
-