-
Gawa 17:18Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
-
-
18 Pero nagsimulang makipagtalo sa kaniya ang ilan sa mga pilosopong Epicureo at Estoico, at sinasabi ng ilan: “Ano ba ang gustong sabihin ng daldalerong ito?” Ang iba naman: “Nangangaral yata siya tungkol sa mga bathala* ng mga banyaga.” Ganiyan ang sinasabi nila dahil ipinahahayag niya ang mabuting balita tungkol kay Jesus at sa pagkabuhay-muli.+
-
-
Gawa 17:18Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
-
-
18 Ngunit may ilan kapuwa sa mga Epicureo at sa mga pilosopong Estoico+ na nakipag-usap sa kaniya nang may pakikipagtalo, at ang ilan ay nagsasabi: “Ano ba ang gustong sabihin ng daldalerong ito?”+ Ang iba naman: “Siya ay waring isang tagapaghayag ng mga bathalang banyaga.” Ito ay sa dahilang ipinahahayag niya ang mabuting balita tungkol kay Jesus at sa pagkabuhay-muli.+
-
-
Mga Study Note sa Gawa—Kabanata 17Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
mga pilosopong Epicureo: Mga tagasunod ng pilosopong Griego na si Epicurus (341-270 B.C.E.). Itinuturo nila na ang pinakamahalaga sa lahat ay ang masiyahan sa buhay. Naniniwala ang mga Epicureo na may mga diyos, pero iniisip nila na walang pakialam ang mga ito sa mga tao at hindi rin nagbibigay ng gantimpala o parusa ang mga ito. Kaya para sa kanila, walang saysay ang pananalangin o paghahandog. Makikita sa kaisipan at pagkilos ng mga Epicureo na wala silang sinusunod na mga pamantayang moral. Pero itinuturo din nilang huwag magpakasasa sa anumang bagay para maiwasan ang masasamang epekto nito. At naniniwala sila na kailangan lang nilang kumuha ng kaalaman para hindi sila maimpluwensiyahan ng mga pamahiin o matakot dahil sa mga itinuturo ng relihiyon. Hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli ang mga Epicureo at Estoico.—Tingnan ang study note sa mga pilosopong . . . Estoico sa talatang ito.
mga pilosopong . . . Estoico: Grupo ng mga pilosopong Griego na naniniwalang ang kaligayahan ay nakadepende sa pamumuhay ayon sa lohika at kalikasan. Ang tunay na matalino, ayon sa kanila, ay hindi nagpapaapekto sa kirot o saya. Naniniwala ang mga Estoico na ang lahat ng bagay ay bahagi ng isang bathala na hindi isang persona at na ang diumano’y kaluluwa ng tao ay galing doon. Iniisip ng ilang Estoico na ang kaluluwang ito ay mapupuksa rin kasama ng uniberso. Naniniwala naman ang ibang Estoico na ang kaluluwang ito ay muling kukunin ng bathala. Hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli ang mga Estoico at Epicureo.—Tingnan ang study note sa mga pilosopong Epicureo sa talatang ito.
daldalerong: Lit., “mamumulot ng binhing.” Ang salitang Griego na ginamit dito, sper·mo·loʹgos, ay tumutukoy sa isang ibong tumutuka ng binhi. Pero ginagamit din ito para laitin ang isang tao na nangunguha ng mga tira-tira sa pamamagitan ng pamamalimos o pagnanakaw, gayundin ang isang mababang klase ng tao na nagsasalita ng mga bagay na napulot lang niya sa kung saan. Kaya parang sinasabi ng edukadong mga lalaking iyon na ignorante si Pablo at nagsasalita ng mga bagay na hindi naman niya talaga naiintindihan.
-