-
Mga Study Note sa Gawa—Kabanata 18Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
gumagawa ng tolda: Dito, ang terminong Griego na ske·no·poi·osʹ ay ginamit para ilarawan ang trabaho nina Pablo, Aquila, at Priscila. Hindi tiyak kung ano ang eksaktong trabaho na tinutukoy ng salitang ito (kung gumagawa ng tolda, tagahabi ng tela, o gumagawa ng lubid); pero maraming iskolar ang naniniwala na tumutukoy ito sa “gumagawa ng tolda.” Nagmula si Pablo sa Tarso ng Cilicia, na kilalá sa telang gawa sa balahibo ng kambing na tinatawag na cilicium, ang materyal na ginagamit sa paggawa ng tolda. (Gaw 21:39) Para sa mga Judio noong unang siglo C.E., kapuri-puri ang isang kabataang lalaki na natuto ng isang kasanayan kahit pa tatanggap naman siya ng mas mataas na edukasyon. Kaya posibleng natutong gumawa ng tolda si Pablo noong kabataan pa siya. Hindi madali ang trabahong ito dahil sinasabing karaniwan nang matigas at magaspang ang cilicium, kaya mahirap itong gupitin at tahiin.
-