-
Mga Study Note sa Gawa—Kabanata 20Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Bigyang-pansin: O “Bantayan.” Mahal ni Jehova ang mga tupa sa kawan niya, dahil wala nang mas tataas pa sa halagang ipinambili niya rito—ang “dugo ng sarili niyang Anak.” Kaya binabantayan ng mapagpakumbabang mga tagapangasiwa ang bawat miyembro nito at isinasaisip kung gaano kamahal ni Jehova ang kaniyang mga tupa.—1Pe 5:1-3.
tagapangasiwa: Ang salitang Griego para sa tagapangasiwa, e·piʹsko·pos, ay kaugnay ng pandiwang e·pi·sko·peʹo, na nangangahulugang “mag-ingat” (Heb 12:15), at ng pangngalang e·pi·sko·peʹ, na nangangahulugang “pagsisiyasat” (Luc 19:44; 1Pe 2:12), “maging tagapangasiwa” (1Ti 3:1), o “katungkulan . . . bilang tagapangasiwa” (Gaw 1:20). Kaya ang mga tagapangasiwa noon ay dumadalaw, nagsisiyasat, at gumagabay sa mga miyembro ng kongregasyon. Ang terminong Griego na e·piʹsko·pos ay pangunahin nang tumutukoy sa pangangasiwa nang may kasamang pagprotekta. Pananagutan ng mga tagapangasiwa sa kongregasyong Kristiyano na ingatan sa espirituwal ang mga kapananampalataya nila. Dito, ginamit ni Pablo ang terminong “mga tagapangasiwa” sa pakikipag-usap sa “matatandang lalaki” sa kongregasyon ng Efeso. (Gaw 20:17) At sa liham niya kay Tito, ginamit niya ang terminong “tagapangasiwa” nang banggitin niya ang mga kuwalipikasyon para sa “matatandang lalaki” ng kongregasyong Kristiyano. (Tit 1:5, 7) Kaya ang mga terminong ito ay tumutukoy lang sa iisang atas; ipinapakita ng pre·sbyʹte·ros ang pagiging may-gulang ng isang tagapangasiwa, at ipinapakita naman ng e·piʹsko·pos ang mga pananagutang kasama sa atas na ito. Sa ulat na ito, kung saan kausap ni Pablo ang matatandang lalaki sa Efeso, maliwanag na higit sa isa ang tagapangasiwa sa kongregasyong iyon. Walang takdang bilang ang mga tagapangasiwa sa isang kongregasyon. Nakadepende ito sa dami ng may-gulang na mga lalaki na kuwalipikadong maging “matatandang lalaki.” Gayundin, sa pagsulat ni Pablo sa mga Kristiyano sa Filipos, tinawag niya silang “mga tagapangasiwa” (Fil 1:1), na nagpapakitang isa silang lupon na nangangasiwa sa kongregasyon.—Tingnan ang study note sa Gaw 1:20.
Diyos: Sa ilang sinaunang manuskrito, ang mababasa rito ay “Panginoon,” pero “Diyos” ang mababasa sa maaasahang mga manuskrito, at sang-ayon sa saling iyan ang maraming iskolar.
dugo ng sarili niyang Anak: Lit., “dugo ng sariling kaniya.” Sa gramatikang Griego, ang ekspresyong ito ay puwedeng mangahulugang “dugo ng sariling kaniya” o “sarili niyang dugo,” kaya kailangang tingnan ang konteksto. Sa Griego, ang ekspresyong ho iʹdi·os ay puwedeng gamitin nang walang kasamang pangngalan o panghalip, gaya ng makikita sa pagkakasalin dito sa Ju 1:11 (“sarili niyang bayan”); sa Ju 13:1 (“sariling kaniya”); sa Gaw 4:23 (“kapananampalataya nila”); at sa Gaw 24:23 (“mga kasamahan nito”). Sa mga sekular na Griegong papiro, ginagamit ang pariralang ito bilang malambing na tawag sa malalapít na kamag-anak. Kahit walang kasamang pangngalan ang ekspresyong ho iʹdi·os dito, malinaw na makikita sa konteksto na may karugtong itong pangngalan na nasa pang-isahang anyo at na tumutukoy iyon sa kaisa-isang anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, na nagbigay ng kaniyang dugo. Dahil diyan, maraming iskolar at tagapagsalin ang naniniwala na tumutukoy ito sa “anak” at isinalin nila ang pariralang ito na “dugo ng sarili niyang Anak.”
-