-
Gawa 21:34Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
-
-
34 Pero magkakaiba ang isinisigaw nila. At dahil nagkakagulo ang lahat, walang maintindihan ang kumandante. Kaya iniutos nitong dalhin si Pablo sa kuwartel ng mga sundalo.
-
-
Mga Study Note sa Gawa—Kabanata 21Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
kuwartel ng mga sundalo: Isang baraks ng hukbong Romano, na nasa Tore, o Tanggulan, ng Antonia sa Jerusalem. Makikita ang tanggulang ito sa hilagang-kanlurang kanto ng looban ng templo, at matatanaw mula rito ang buong templo. Lumilitaw na nakapuwesto ito sa lugar kung saan itinayo noon ni Nehemias ang “Tanggulan ng Bahay,” na binabanggit sa Ne 2:8. Pinatibay ni Herodes na Dakila ang tanggulang ito; marami siyang ipinaayos at malaki ang ginastos niya. Pinangalanan niya itong Antonia para parangalan ang Romanong kumandante ng militar na si Mark Antony. Bago ang panahon ni Herodes, pangunahin nang ginagamit ang tanggulang ito para bantayan ang mga pagsalakay mula sa hilaga. Nang maglaon, nagsilbi itong kuwartel ng mga sundalong nagpapanatili ng kaayusan sa mga Judio at nagkokontrol sa pagpasok at paglabas ng mga tao sa templo. Isang lagusan ang nagdurugtong dito sa templo. (Josephus, Jewish Antiquities, XV, 424 [xi, 7]) Kaya ang mga nasa garisong ito ng mga Romano ay madaling makakapunta sa iba’t ibang lugar sa templo. Malamang na iyan ang dahilan kung bakit nailigtas agad ng mga sundalo si Pablo mula sa mga mang-uumog.—Gaw 21:31, 32; tingnan ang Ap. B11 para sa lokasyon ng Tanggulan ng Antonia.
-