-
Mga Study Note sa Roma—Kabanata 1Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
May utang ako: O “May obligasyon ako.” Sa Kasulatan, ang salitang Griego para sa “may utang” at iba pang termino na may kaugnayan sa pagkakautang ay hindi lang tumutukoy sa pinansiyal na utang, kundi pati sa iba pang obligasyon o pananagutan. Sa Ju 13:14 (tingnan ang study note), ang pandiwang Griego na isinaling “dapat” ay nangangahulugang “may utang; may obligasyon.” Ipinapahiwatig dito ni Pablo na may utang siya sa mga taong nakikilala niya, at mababayaran niya lang ito kung sasabihin niya sa kanila ang mabuting balita. (Ro 1:15) Sobra-sobra ang pasasalamat ni Pablo sa awang ipinakita sa kaniya, kaya napakilos siya na tulungan ang iba na makinabang din sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos. (1Ti 1:12-16) Para bang sinasabi niya: ‘Dahil sa ginawa ng Diyos para sa sangkatauhan at sa akin, obligado ako at gustong-gusto kong ipangaral ang mabuting balita sa lahat.’
mga Griego: Sa kontekstong ito, ang “mga Griego,” na binanggit kasama ng “mga banyaga,” ay hindi lang tumutukoy sa mga taong mula sa Gresya o may lahing Griego, kundi pati sa mga nagsasalita ng wikang Griego at yumakap sa kulturang Griego, kahit na posibleng iba ang lahi nila. Lumilitaw na ginamit ni Pablo ang pariralang “mga Griego at mga banyaga” para tumukoy sa lahat ng tao.—Tingnan ang study note sa banyaga sa talatang ito.
banyaga: O “di-Griego.” Sa ilang mas lumang salin ng Bibliya, isinaling “Barbaro” ang salitang Griegong barʹba·ros na ginamit dito. Ang pag-uulit ng pantig, “bar bar,” sa salitang Griegong ito ay nagpapahiwatig ng pagkabulol o di-maintindihang pagsasalita, kaya noong una, ginagamit ng mga Griego ang terminong ito para tumukoy sa isang dayuhan na nagsasalita ng ibang wika. Nang panahong iyon, hindi ito tumutukoy sa mga taong di-sibilisado, magaspang, o walang modo; hindi rin ito mapanlait na termino. Ginagamit lang ang salitang barʹba·ros para tukuyin ang isang tao na hindi Griego. Tinatawag ng ilang Judiong manunulat, gaya ni Josephus, ang sarili nila sa ganitong termino. Sa katunayan, tinatawag ng mga Romano na barbaro ang sarili nila bago nila yakapin ang kultura ng mga Griego. At ganito ang pagkakagamit ni Pablo sa terminong barʹba·ros sa ekspresyong tumutukoy sa lahat ng tao: “Mga Griego at mga banyaga.”
-