-
Mga Study Note sa Roma—Kabanata 3Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Hindi nga!: Salin ito ng pariralang Griego na 10 beses na ginamit ni Pablo sa liham niya sa mga taga-Roma. Isinasalin din itong “Hinding-hindi!” at “Siyempre hindi!” (Ro 3:4, 6, 31; 6:2, 15; 7:7, 13; 9:14; 11:1, 11) Ang mas literal na salin nito ay “Huwag nawang mangyari iyon kahit kailan.” Isang ekspresyon ito na nagdiriin ng negatibong sagot sa isang tanong na karaniwan nang retorikal. Nagpapahiwatig ito ng matinding pagtanggi sa isang ideya, na para bang sinasabi, “Hindi man lang iyan sumagi sa isip ko.”
mapatunayan nawang tapat ang Diyos: Ang sinabi ni Pablo na “Hindi nga!” sa simula ng talatang ito ay sagot sa tanong niya sa naunang talata: “Paano kung hindi manampalataya ang ilan? Mababale-wala na ba ang katapatan ng Diyos dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya?” Hindi nanampalataya ang karamihan sa mga Judio noon. Kitang-kita iyan nang ayaw nilang tanggapin na natutupad kay Jesus ang mga hula sa Hebreong Kasulatan tungkol sa Mesiyas. (Ro 3:21) Dahil diyan, napagmukha nila—ng mga taong pinagkatiwalaan ng Diyos ng “salita” niya (Ro 3:2)—na hindi tinupad ni Jehova ang mga pangako niya. Pero ang totoo, tinupad ni Jehova ang mga pangako niya sa pamamagitan ni Kristo. Para idiin na mapagkakatiwalaan ang Diyos, sinipi ni Pablo mula sa Septuagint ang sinabi ni Haring David: “Para mapatunayan kang [ang Diyos] matuwid sa iyong mga salita.” (Aw 51:4 [50:6, LXX]) Sa talatang iyon, inamin ni David na nagkasala siya at kinilala na ang Diyos ay tapat at matuwid. Hindi niya ipinagmatuwid ang sarili niya at siniraan ang Diyos. Ginamit ni Pablo ang sinabi ni David para ipakita na laging tapat ang Diyos, sinuman o gaano man karami ang kumukuwestiyon sa Kaniya.
-