-
Mga Study Note sa Roma—Kabanata 3Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
nasa ilalim ng kasalanan: Ibig sabihin, nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan. Dito, ang Griegong pang-ukol na hy·poʹ, “ilalim,” ay nagpapakita ng pagiging nasa kontrol ng isang tao o isang bagay. Sa Bibliya, ang kasalanan ay inilalarawan bilang isang panginoon na umaalipin sa mga tao. (Ju 8:34; Ro 6:16-20; 7:14) Ganiyan din ang pagkakalarawan dito ni Pablo nang sabihin niyang “naghari ang kasalanan.”—Ro 5:21.
kasalanan: Ang pangunahing terminong Griego na ginagamit sa Kasulatan para sa “kasalanan” ay ha·mar·tiʹa. Ito ang unang paglitaw ng salitang ito sa aklat ng Roma. Ang kaugnay na pandiwa nito na ha·mar·taʹno (lit., “sumala”) ay nangangahulugang “sumala sa inaasinta” o “hindi maabot ang isang tunguhin.” Halimbawa, ginagamit ng mga sekular na Griegong manunulat ang ha·mar·taʹno para tumukoy sa isang maninibat na sumala sa inaasinta nito. Ganito rin ang kahulugan ng katumbas nitong mga terminong Hebreo na chat·taʼthʹ, “kasalanan,” at cha·taʼʹ, “magkasala.” Sa Huk 20:16, ang cha·taʼʹ ay sinamahan ng isang negatibong salita para ilarawan ang mga Benjaminita na “asintado sa pagpapahilagpos ng bato at hindi nagmimintis kahit gabuhok.” Ang mga terminong Hebreo at Griego ay parehong puwedeng tumukoy sa pagkabigong maabot ang anumang tunguhin, pisikal man, moral, o intelektuwal. Pero sa Kasulatan, pangunahin nang tumutukoy ang mga ito sa kasalanan ng tao, ang pagkabigong mamuhay o kumilos ayon sa moral na mga pamantayang itinakda ng Maylalang. (Gen 39:9; 1Sa 7:6; Aw 51:4; Dan 9:8; Luc 15:18; Ro 2:12; 5:12) Sa Septuagint, karaniwan nang ipinanunumbas ang pandiwang ha·mar·taʹno sa pandiwang Hebreo na cha·taʼʹ.—Tingnan ang study note sa Ro 3:23.
-