-
Mga Study Note sa Roma—Kabanata 4Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Maligaya: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, 50 beses lumitaw ang salitang Griego na ma·kaʹri·os. Inilalarawan dito ni Pablo ang “kaligayahan ng tao na itinuturing na matuwid ng Diyos pero hindi dahil sa mga gawa.” (Ro 4:6) Ang terminong Griego na ito ay ginamit para ilarawan ang Diyos (1Ti 1:11) at si Jesus sa kaniyang maluwalhating kalagayan sa langit (1Ti 6:15). Ginamit din ang terminong ito sa kilaláng mga kasabihan tungkol sa kaligayahan sa Sermon sa Bundok. (Mat 5:3-11; Luc 6:20-22) Dito sa Ro 4:7, 8, ang “maligaya” ay sinipi mula sa Aw 32:1, 2. Ang ganitong uri ng kapahayagan ay karaniwan sa Hebreong Kasulatan. (Deu 33:29; 1Ha 10:8; Job 5:17; Aw 1:1; 2:12; 33:12; 94:12; 128:1; 144:15; Dan 12:12) Ang mga ekspresyong Hebreo at Griego para sa “maligaya” ay hindi lang tumutukoy sa saya na nadarama ng isang tao dahil nalilibang siya. Ipinapakita ng Kasulatan na para maging tunay na maligaya ang isang tao, kailangan niyang mahalin ang Diyos, paglingkuran Siya nang tapat, at makuha ang pagsang-ayon at pagpapala Niya.
pinagpaumanhinan: O “pinatawad.” Ang salitang Griego na a·phiʹe·mi ay pangunahin nang nangangahulugang “pakawalan” (Ju 11:44; 18:8), pero puwede rin itong mangahulugang “kanselahin ang utang” (Mat 18:27, 32) at “patawarin” ang kasalanan (Mat 6:12). (Tingnan ang mga study note sa Mat 6:12.) Ginamit din ang terminong ito sa salin ng Septuagint sa Aw 32:1 (31:1, LXX), na sinipi ni Pablo.
pinatawad: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito lang lumitaw ang salitang Griego na e·pi·ka·lyʹpto. Literal itong nangangahulugan na “takpan,” pero dito, nangangahulugan itong “patawarin.” Dito, sumipi si Pablo sa Aw 32:1; at sa Septuagint (Aw 31:1), ang pandiwang Griego na ito ang ipinanumbas sa pandiwang Hebreo na nangangahulugang “takpan” at tumutukoy sa pagpapatawad ng kasalanan.
-