-
Mga Study Note sa Roma—Kabanata 9Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Purihin nawa magpakailanman ang Diyos na namamahala sa lahat: Tumutukoy ito sa Diyos na Jehova; isa itong panghihikayat na purihin siya sa lahat ng ginawa niya para sa kaniyang bayan, kasama na ang mga naunang binanggit sa ulat na ito. Pero sa pagkakasalin ng ibang bersiyon, pinalitaw na si Kristo ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Halimbawa, ang mababasa ay “si Kristo, ang Diyos na namamahala sa lahat.” Posible ang ganiyang salin kung gramatika lang ang pagbabatayan, pero kailangan ding tingnan ang konteksto. Binanggit sa naunang talata ang paglalaan ng Diyos sa bayan niya. Tingnan din ang sinasabi sa Ro 9:6-13. Ipinapakita ng mga talatang ito na ang katuparan ng layunin ng Diyos ay nakadepende, hindi sa pinagmulang lahi ng isa, kundi sa kalooban ng Diyos. Sinipi naman sa talata 14-18 ang mensahe ng Diyos sa Paraon, na nakaulat sa Exo 9:16, para idiin na ang Diyos ang namamahala sa lahat. At sa talata 19-24, lalo pang idiniin ang pagiging kataas-taasan ng Diyos gamit ang ilustrasyon tungkol sa magpapalayok at mga sisidlang luwad na ginagawa niya. Kaya kung titingnan ang konteksto, lohikal na sabihin ni Pablo na ‘ang Diyos ang namamahala sa lahat.’ Kapansin-pansin din na sa mga isinulat ni Pablo, pinakamadalas niyang gamitin ang ganitong mga ekspresyon ng papuri, hindi para kay Kristo Jesus, kundi sa Diyos. (Ro 11:34-36; 16:27; Gal 1:4, 5; Fil 4:20; 1Ti 1:17) Malinaw na ipinakita ni Pablo na magkaiba si Jesus at ang Diyos na Jehova, gaya sa Ro 15:5, 6, kung saan hinihimok niya ang kapuwa niya mga Kristiyano na ‘luwalhatiin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo.’ (2Co 1:3; Efe 1:3) Ang saling ito sa Ro 9:5 ay malinaw ding sinusuportahan ng sinabi ni Pablo sa 1Co 15:27, 28.—Para sa higit pang paliwanag sa Ro 9:5, tingnan ang Kingdom Interlinear, Ap. 2D, “God, Who Is Over All.”
Amen: Ang terminong ito ay madalas gamitin ng mga manunulat ng mga liham sa Kristiyanong Griegong Kasulatan para maghayag ng papuri sa Diyos.—Ro 16:27; Efe 3:21; 1Pe 4:11; tingnan ang study note sa Ro 1:25.
-