-
RomaTulong sa Pag-aaral ng mga Saksi ni Jehova—2019 Edisyon
-
Mga Study Note sa Roma—Kabanata 12Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Kaya: Lumilitaw na ginamit ni Pablo ang ekspresyong ito para pag-ugnayin ang naunang bahagi ng liham niya at ang susunod niyang sasabihin. Parang sinasabi niya: “Pagkatapos ninyong marinig ang ipinaliwanag ko, nakikiusap akong gawin ninyo ang susunod kong sasabihin.” Ipinaliwanag ni Pablo na parehong may pagkakataon ang mga Judio at mga Gentil na maipahayag na matuwid sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya nila, hindi ng kanilang mga gawa, at makasama ni Kristo na mamahala. (Ro 1:16; 3:20-24; 11:13-36) Simula sa kabanata 12, hinimok ni Pablo ang mga Kristiyano na maging mapagpasalamat at ipakita ang kanilang pananampalataya at pagtanaw ng utang na loob sa pamamagitan ng pagsunod sa Diyos at pagiging mapagsakripisyo.
iharap ninyo ang inyong katawan: Sa Kautusang Mosaiko, ang mga Israelita ay pumapatay ng mga hayop at inihaharap ang mga ito bilang handog. Isang beses lang nila puwedeng ihandog ang mga iyon. Pero sa mga Kristiyano, lagi nilang inihaharap ang kanilang katawan, o buong pagkatao, bilang isang haing buháy. Kasama sa “haing” ito ang isip, puso, at lakas ng isang tao—ang lahat ng mayroon siya. Sangkot sa paghahandog na ito ang lahat ng aspekto ng buhay niya. Sinabi pa ni Pablo na ang handog na ito ng isang Kristiyano ay dapat na banal at katanggap-tanggap sa Diyos. Gaya ito ng paghahandog noon ng mga Israelita; hindi sila dapat magdala ng di-katanggap-tanggap na mga handog, gaya ng mga hayop na pilay o may iba pang depekto. (Lev 22:19, 20; Deu 15:21; Mal 1:8, 13) Kaya ang mga Kristiyano ay dapat magkaroon ng malinis na pamumuhay na kaayon ng mga pamantayan ng Diyos para maging katanggap-tanggap ang mga handog nila.
makapaglingkod kayo: O “makapag-ukol kayo ng sagradong paglilingkod; makasamba kayo.” Ang salitang Griego na ginamit dito, la·treiʹa, ay tumutukoy sa mga gawa ng pagsamba. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang pangngalang ito ay ginagamit kung minsan may kaugnayan sa pagsamba ng mga Judio batay sa Kautusang Mosaiko. (Ro 9:4; Heb 9:1, 6) Pero dito, ginamit ito ni Pablo may kaugnayan sa pagsamba ng mga Kristiyano. Ang kaugnay na pandiwang Griego na la·treuʹo (“mag-ukol ng sagradong paglilingkod”) ay ginagamit din sa pagsamba batay sa Kautusang Mosaiko (Luc 2:37; Heb 8:5; 9:9) at sa pagsamba ng mga Kristiyano (Fil 3:3; 2Ti 1:3; Heb 9:14; Apo 7:15). Sa Ro 1:9, ipinakita ni Pablo na ang isang mahalagang bahagi ng paglilingkod niya ay ‘may kaugnayan sa mabuting balita tungkol sa Anak ng Diyos,’ o ang pangangaral ng mabuting balita.
gamit ang inyong kakayahan sa pangangatuwiran: Ang ekspresyong “kakayahan sa pangangatuwiran” ay salin para sa salitang Griego na lo·gi·kosʹ. Sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa paraan ng paglilingkod na “lohikal,” “makatuwiran,” o “pinag-isipan.” Sa isang diksyunaryo, nangangahulugan itong “pinag-isipang mabuti.” Madalas paalalahanan ang mga Kristiyano na pagtimbang-timbanging mabuti ang mga prinsipyo sa Bibliya. Kailangan nilang maintindihan ang pagkakaugnay-ugnay ng mga prinsipyo sa Bibliya at kung paano ito makakatulong sa desisyong gagawin nila. Magagamit nila ang kanilang bigay-Diyos na kakayahan sa pangangatuwiran, o kakayahang mag-isip, para makagawa ng balanseng mga desisyon at makuha ang pagsang-ayon at pagpapala ni Jehova. Ang ganitong paraan ng pagsamba ay bago sa maraming Judio na naging Kristiyano, dahil sanay sila noon na sumunod lang sa maraming batas at tradisyon ng tao.
-